12-anyos na babae, paulit-ulit daw na inaabuso ng sariling ama; biktima, nagkaroon ng impeksiyon
Ginagamot ngayon sa ospital ang isang 12-anyos dalagita matapos maimpeksiyon ang maselang bahagi ng katawan dahil sa ginagawang pang-aabuso umano ng sariling ama sa Ilocos Sur. Nagsimula raw abusuhin ng suspek sa biktima noong 10-taong-gulang pa lang ang anak.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nagaganap ang panghahalay ng suspek sa anak sa sarili nilang bahay sa Candon City, Ilocos Sur.
Nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina ng bata kaya silang mag-ama lamang ang magkasama sa bahay.
Natuklasan ang mapait na karanasan ng biktimang itinago sa pangalang "Letlet" nang humingi ito ng tulong at magtapat sa isang barangay health worker.
Matinding takot umano ang naramdaman ng biktima nang samahan itong magsumbong sa pulisya.
Isasailalim si Letlet sa medico legal para sa kasong isasampa sa kaniyang ama na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.
Idinaan na rin siya sa counselling ng city social welfare development office. -- FRJ, GMA News