17-anyos na babae, hinostage sa loob ng jeepney ng lalaking naghahanap ng kamag-anak
Isang 17-anyos na babaeng estudyante ang hinostage ng isang lalaki habang nakasakay sila sa isang pampasaherong jeepney sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing na-hulicam ang panghohostage ni Kenneth Tavas, 34-anyos.
Bago maganap ang negosasyon sa hostage taking, isang residente ang nakapagsumbong sa Monitoring Center ng San Mateo, Rizal tungkol sa suspek na sumakay sa jeepney at may bitbit ng patalim na kinuha daw sa isang tindahan.
Kaya naman tinutukan na ng mga awtoridad sa mga closed-circuit television camera ang jeepney na kinaroroonan ng suspek sa kahabaan ng Gen. Luna Ave, sa Ampid.
Ayon sa driver ng jeepney na si Eldencio Epasi, bigla na lang sumakay ang suspek at hinawakan agad dalagang biktima at tinutukan ng patalim.
Kagaad namang humingi ng tulong ang drayber at nagawa ring makababa agad ng sasakyan ng ibang pasahero habang nakatigil ito,
Sa video na kuha ng pulis na rumesponde gamit ang cellphone, makikita ang suspek habang tinututukan ng patalim ang babaeng estudyante.
Magkatuwang na nakipagnegosasyon sa suspek ang mga pulis at opisyal ng barangay.
"Pinipilit namin na kumalma siya kasi nanginginig na rin siya eh. Parang wala na rin siya sa sarili, parang gusto lang niya hanapin 'yung tao, doon lang daw siya susuko," kwento ng pulis.
Ayon sa suspek, galing pa raw siya ng La Union at gusto lang niyang makausap ang kaanak sa San Mateo.
Nang mapagbigyan ang hiling, pinakawalan na ng suspek ang biktima.
Humingi rin siya ng paumanhin sa kaniyang nagawa, bagaman alam niyang mali ito.
Galit na galit naman ang ina ng biktima sa ginawa ng suspek. Bukod sa trauma na inabot ng anak, naabala rin ang pag-aaral nito dahil hindi nakapasok at mayroon pa umanong pagsusulit.
Sasampahan si Tavas ng mga kasong grave threat, alarm and scandal, illegal possession of bladed weapon at violation of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. -- FRJ, GMA News