ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dapat na bang gawing legal ang marijuana bilang gamot?


Patuloy ang debate sa Kongreso tungkol sa panukalang batas para gawing legal ang paggamit sa marijuana bilang gamot sa ilang sakit at disorder tulad ng epilepsy. Pero pangamba ng ilan, baka maubuso ito at lalo pang makadagdag sa problema ng kriminalidad.
 
Sa isang ulat ni Kara David sa GMA News, ipinakita niya ang dalawang-taong-gulang na si Julia Cunanan.

Palangiti umano si Julia pero sa isang iglap ay naglalaho ang sigla nito sa mukha at titirik ang mga mata, maninigas ang buong katawan.

Ipinanganak kasi si Julia na taglay ang karamdaman na partial seizure disorder.

Sa isang araw, inaabot umano ng 50 ang pag-atake ng epileptic seizures ng bata.  At sa bawat seizure, may brain cells sa kaniyang namamatay.

Pag-amin ni Dra. Donnabel Cunanan, ina ni Julia, napapaiyak na lang siya kapag sinusumpong ang anak, at lagi siyang kinakabahan.

Ilang gamot na raw ang sinubukan ng mga duktor kay Julia pero walang umubra kahit isa.  Kaya naman nang mapanood daw ni Donnabel sa internet ang kuwento ng isang bata sa Amerika na gumaling sa parehong sakit, nabuhayan siya ng pag-asa.

Ngunit ang problema, ang gamot na ginamit sa bata, marijuana extract o katas ng marijuana.

Legal sa Amerika ang paggamit ng marijuana bilang gamot sa iba't ibang sakit kasama na ang epilepsy at seizure disorders.

Pero sa Pilipinas, nanatili itong iligal.

Dahil dito, ipinanukala ni Isabela Rep. Rodolfo Albano III, ang House Bill No. 4477, na naglalayong gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot sa ilang sakit na wala pang lunas.

Basahin: Pot tied to fewer brain injury deaths – study

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng center na mamumuno sa pagsasaliksik, pagtatanim ng marijuana at pagpapalaganap nito bilang gamot.

Sa isang ulat ng Philippine Entertainment Portal, inihayag ng aktor na si Rafael Rosell ang pagsuporta na payagang gawing legal ang marijuana bilang gamot.

Ayon sa aktor, nagamit umano ng kaniyang ina ang katas ng marijuana para mapagaling ang cancer ng kaniyang ina.

Gayunman, tutol sa panukala ang Dangerous Drugs Board at Philippine Medical Association dahil posible umanong maging daan ang legalisasyon para lumaganap ang marijuana sa bansa.

Basahin: Medical marijuana could be gateway to drug abuse, groups warn

"Huwag nating gawing guinea pig ang bansa natin," ayon kay Asec. Ben Reyes ng Dangerous Drugs Board.

Giit naman ni Albano, medical cannabis lang ang gagawin nilang legal at hindi ang paggamit ng marijuana ng kung sinu-sino lang.
 
Dagdag pa ng kongresista, mananatiling iligal at ipagbabawal pa rin pagtatanim at paggamit ng marijuana ng hindi ayon sa layunin bilang gamot.
 
Paglilinaw ng mga duktor, hindi sila tutol sa marijuana na gamitin bilang isang gamot, ngunit ang mismong panukalang batas lamang. Dapat daw ay magkaroon pa ng mas maraming pag-aaral tungkol dito.

Habang nagdedebate ang mga duktor at mambabatas sa isyu patuloy na kumakapit sa pag-asa ang batang si Julia at pati na ang iba pang may karamdaman na katulad niya. --  FRJ, GMA News

Tags: talakayan