Santo ang gayahin at 'di maligno ngayong Undas, payo daw ng Simbahan Katolika
Ngayong papalapit na ang Undas at uso na naman ang mga Halloween party, may panawagan ang Simbahang Katoliko sa publiko. Sa halip na horror-look, bakit hindi raw ang mga santo ang gayahin sa paraan ng nauuso ngayong makeup transformation.
Sa ulat ni Gretchen Legaspi ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabi na ang kampanya sa paggaya sa hitsura ng mga santo ngayong Halloween ay tinawag na "saintify."
Sa halip na mag-costume at mag-make up na parang multo o aswang o iba pang nakakatakot na hitsura, mas makabubuti raw na mga paboritong santo na lang ang gayahin.
Paliwanag ng Simbahan Katolika, ang Undas ay pag-alaala sa mga yumaong mahal sa buhay at mga santo na All Saints at All Souls Day, kaya hindi raw ito dapat sumentro sa katatakutan.
Ang mga ginayang santo sa makeup transformation, maaari rin daw i-post sa mga social media tulad ng Facebook at Twitter.
Ayon sa ulat, may mga gumagawa na nito at isa sa mga paboritong gayahin sa makeup tranformation ay ikalawang Pilipinong santo na si Pedro Calungsod.
Pagdating naman sa mga babae, si Saint Claire daw ang paboritong "i-saintify."
Umaasa ang Simbahang Katoliko na sa pamamagitan ng "saintify" ay mas makikilala rin ng mas maraming tao ang iba't ibang santo. -- FRJ, GMA News