Morgue, inayawan: Paglalagyan ng mga patay na malapit sa residential area, pinalagan ng mga buhay
Inireklamo ng mga residente ng isang barangay sa Alcala, Pangasinan ang morgue na planong itayo ng lokal na pamahalaan na malapit sa kanilang mga tirahan dahil sa pangambang magdulot ng ito masamang epekto sa kanilang kalusugan lalo na sa mga bata.
Sa ulat ni Joyce Segui ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing ang morgue na itatayo sana ng pamahalaan sa barangay San Juan ay nasa loob ng lupain ng extension ng public cemetery sa Alacala.
Pero hiling ng isang residente, "Pinapanawagan ko na lang po sa kinauukulan na ang morgue ay ilipat na lang sa ibang lugar, yung mga wala ng tao para hindi na makapamerwisyo sa mga bata."
Dagdag naman sa isa pang residente, nakasaad umano sa Presidential Degree tungkol sa Sanitation Code na ang mga burial ground ay dapat umanong nasa layong 25 meters sa residential area.
Pero sa tantiya ng mga residente, nasa 15 metro lang ang layo ng itatayong morgue mula sa kanilang bahay.
Tumangging magpaunlak ng panayam ang lokal na pamahalaan ng Alcala tungkol sa usapin. Pero nilinaw nilang sinuspinde na ang pagpapatayo ng morgue.
Base sa isang pahayag na nakalagay sa kanilang Facebook account, isasailalim ulit sa masinsinang public consultation ang proyekto bago ito ituloy. -- FRJ, GMA News