WHO: 4,900 patay sa 10k naitalang kaso ng Ebola infections
Umabot na sa 4,992 ang namatay sa kabuuang 10,141 na naitalang kaso ng Ebola infections sa walong bansa, batay sa datos hanggang noong Oktubre 23, ayon sa World Health Organization nitong Sabado.
Pinangangambahang mapapasok na rin ng Ebola virus ang Ivory Coast matapos makapasok ito sa Mali sa pamamagitan ng isang 2-taong gulang na batang babae na namatay noong Biyernes, at magkaroon ng mga kaso ng impeksyon sa hangganan ng Guinea at Liberia.
Dahil dito, naaapektuhan na ang ekonomiya ng Ivory Coast, na siyang itinuturing na pinakamalaking cocoa producer sa mundo, ayon sa WHO.
Karamihan sa mga naitalang kaso at pagkamatay dahil sa Ebola outbreak ay galing sa Guinea, Liberia, at Sierra Leone sa West Africa, kung saan nakapagtala ng 10,114 kaso ng Ebola infections at 4,912 dito ay tuluyan nang binawian ng buhay, ayon sa WHO.
Samantala, kasama sa kabuuang bilang ng kaso ng Ebola at mga namatay sa naturang sakit ang outbreak sa Nigeria, at Senegal, na ayon sa WHO ay nasolusyunan na, pati ang mga kaso sa Spain, United States, at ang kaisa-isang kaso sa Mali.
Gayunpaman, maaari umanong mas malaki pa ng tatlong beses ang tunay na bilang ng mga apektado ng nasabing virus. Tinatayang 70% lamang ng kabuuang bilang ang naitalang kaso ng pagkamatay.
Ayon sa WHO, mayroong mga pamilya ang pinananatili lamang sa bahay ang mga kaanak na may Ebola, imbes na ipadala sila sa mga pagamutan.
Samantala, nahihirapan na ring tumanggap ng mga pasiyente ang mga pagamutan sa mga apektadong lugar dahil sa kakulangan sa kagamitan.
Nilinaw naman ng WHO na sa walong distrito ng Liberia at Guinea na nasa hangganan ng Ivory Coast, dalawa lamang ang nagpositbo sa Ebola.
Dagdag pa rito, maaari na raw magsimula ng pagsubok ng bakuna para sa Ebola sa darating na Disyembre sa West Africa, at magkakaroon na ng libu-libong doses nito sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Ayon sa WHO, nasa ilalim ng mataas na posibilidad ng Ebola outbreak ang 15 estado ng Africa kabilang ang Ivory Coast.
Bunsod nito, nagpadala na sila ng mga medical team upang matutukan ang Mali at Ivory Coast nitong nakaraang 10 araw, at matulungan ang mga pamahalaan na matukoy at mabawasan ang mga kaso ng Ebola.
Apat na eksperto mula sa WHO ang pupunta sa Mali upang pangunahan ang medical team na ipadadala doon.
Binalaan ng WHO ang mga residente ng Mali noong Biyernes na maaaring kumalat ang virus dahil ibinyahe pa ang batang babae habang may sakit. Tinitignan na ngayon kung may sintomas ng Ebola ang 43 katao, kabilang ang 10 health care workers na nakasalamuha ng bata.
Sa kabuuan, 450 health care workers na ang nadapuan ng Ebola, kabilang ang isa sa Spain at tatlo sa United States. Ang 244 sa kanila ay namatay na, ayon sa WHO.
"At the same time, exhaustive efforts are ongoing to ensure an ample supply of optimal personal protective equipment to all Ebola treatment facilities, along with the provision of training and relevant guidelines to ensure that all HCWs (health care workers) are exposed to the minimum possible level of risk."
Sinimulan nang gumamit ng isolation wards para sa mga medical personnel na nanggaling sa Ebola zones simula nang makabalik ang doktor na si Craig Spencer sa New York City na may Ebola virus, matapos manatili sa Guinea ng isang buwan upang manggamot. — Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News