ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Olongapo Health Office, inoobliga ang mga nagtatrabaho sa mga bar na kumuha ng pink card
Dalawang linggo matapos ang pagpatay sa transgender na si Jeffrey "Jennifer" Laude, naging matunog muli ang iligal na kalakaran ng prostitusyon sa Olongapo City, kung saan natagpuang patay si Laude sa isang lodge.
Ayon sa isang special report sa News to Go nitong Lunes, bukod sa mga lehitimong negosyo, naging matumal na rin ang bentahan ng laman sa lungsod.
Kwento ni "Sophia," 18 at isang transgender woman sex worker, tuwing tanghali hanggang bago maghatinggabi, malakas ang kita dahil sa "liberty time" ng mga US servicemen, o ang oras na maaari silang makalabas sa Freeport.
Gayunpaman, naging mahina umano ang kita matapos ang pagpaslang kay Laude dahil natakot na ang mga foreigner na lumabas.
Bukod pa rito, pansamantalang pinagbawalan ng Amerika na bumaba ng barko ang kanilang servicemen, at kasalukuyang pinag-aaralan sa pamumuno ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ang paghihigpit sa patakaran ng liberty time ng US servicemen.
Iginiit naman ni Sophia na malaki ang naging tulong ng pagbisita ng Amerika hindi lamang sa lokal na ekonomiya, kundi maging sa mga illegal sex workers.
Aniya, “Malakas kumita sa mga Amerikano. Isang 'go' OA lang, P5,000 na.”
Pink card
Pink card
Mariin namang nanindigan ang pamunuan ng Olongapo City na hindi nila pinapayagan ang prostitusyon sa lungsod, ngunit hindi ibig sabihin nito na bulag sila sa realidad na ito.
Dahil dito, ino-obliga ng Olongapo City Health Office ang lahat ng nagtatrabaho sa mga bar na kumuha ng "pink card," kung saan makikita ang health record ng isang tao.
“Ang mga entertainers, they get weekly smears. Cervical smears para sa women at urethral smears para sa men. They have that every week. From there, we monitor them kung may problema ba o wala,” paliwanag ni Dr. Cynthia Mendoza ng Olongapo City Health Office.
Ayon sa datos ng Olongapo City Health Office, mayroong halos 1,500 ang may pink card, ngunit nakasaad lamang sa tala na ito ang mga nagtatrabaho sa bars, at hindi pa tiyak kung sino sa mga ito ang sex workers.
Dahil sa kalsada lang naghahanap ng customer si Sophia, hindi niya alam kung ano ang pink card at ang patakaran sa likod nito.
Samantala, sinusuportahan naman ng bar owners kagaya ni Josie Valdejas ang pagpapatupad nito sa lungsod.
Ayon kay Josie, nararapat na paigtingin ang patakarang ito dahil nakakaapekto na ang mga pakalat-kalat na sex workers sa kanilang negosyo. Napakatumal at luging-lugi na raw sila.
“Pagbawalan [ang mga pakalat-kalat na sex workers] tapos bantayan ng mga pulis. 'Pag nakitang nakikipag-usap sa mga 'Kano, dapat sitahin. Dapat lahat, may I.D.,” dagdag pa niya.
Giit naman ni Sophie, wala naman nagrereklamo sa kawalan nila ng pagkakakilanlan. Natatakot man siya sa panganib na dulot ng ilegal na bentahan ng laman, ginagawa niya lamang umano ito dahil kailangan niya ng pera.
Malinaw na malaking bahagi ng negosyo at kalaran sa Olongapo, legal man o hindi, ang nakaasa sa mga barkong dumadaong mula sa Amerika. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News
More Videos
Most Popular