Pinay domestic helper sa Saudi Arabia, nailigtas sa pambabastos ng amo
JEDDAH – Nailigtas ng mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration ang isang Pinay na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia mula sa kanyang amo na umano'y nangmomolestiya sa kanya.
Sa panayam ng GMA News Online sa biktima na si Josie ('di tunay na pangalan) sa tanggapan ng OWWA noong Lunes, labis ang pasasalamat nito sa mga taong tumulong sa kanya na makaalis sa bahay ng kanyang amo.
“Nagpapasalamat po ako sa mga taga-OWWA sa Jeddah na sina Welfare Officer Angel Cruz at Ali Aguam sa mabilis nilang pag aksyon na matulungan ako sa aking problema, sa NGO na Kaagapay ng Bawat OFW na syang naging tulay para makarating ang aking problema sa OWWA at sa aking tiyahin na si Fatima Ali na agad na gumawa ng paraan sa mabilis na pagkakaligtas sa akin” ayon kay Josie.
Ikenwento ni Josie na gumawa ng malalaswang bagay ang kanyang among lalaki at maging ang anak nitong binata.
Sa loob umano ng apat na buwan niyang pagtatrabaho bilang kasambahay ay palagi ipinapakita sa kanya ang pagkalalaki ng anak ng kanyang amo na binata at sa harap pa umano niya gumagawa ng malaswang bagay.
Dagdag pa rito, mismong ang kanyang amo ay pilit na pinapahawakan sa biktima ang pagkalalaki nito.
Agad umanong humingi si Josie ng tulong sa kanyang tiyahin na nagtatrabaho din sa Jeddah.
Agad umanong lumapit ang tiyahin niyang si Fatima sa Kaagapay ng Bawat OFW Advocacy group na agad na nakipag ugnayan sa OWWA.
“Ilang araw lang ang nakalipas at agad akong natulungan ng OWWA. At least, makakahinga na ako ng maluwag at gusto ko na lang umuwi sa ating bayan dahil hindi ko na kakayanin ang aking sarili sa mga nangyari sa akin,” ayon kay Josie.
“Mabuti nang maialis siya sa bahay ng kanyang amo kesa kung ano pang mangyari at maging huli ang lahat,” ayon naman kay Fatima sa panayam ng GMA News Online.
Nabanggit umano ni Josie na palagi siayng may dala-dalang kutsilyo upang madepensahan ang sarili laban sa kanyang mga amo, ayon kay Fatima.
Samantala, ayon kay Cruz ng OWWA, humarap naman umano ang amo ni Josie sa OWWA at inayos na ang pag-uwi nito sa Pilipinas at ibinigay na rin umano ang huli nitong sahod.
Sinabi ni Josie na hinding-hindi na siya muling magtatrabaho sa Saudi matapos ang ginawa sa kanya ng kanyang mga amo.
Si Josie ay nakatakang umuwi sa Pilipinas sa unang linggo ng Nobyembre. — LBG, GMA News