Home service embalsamo at ataul delivery, inaalok ng isang punerarya sa Sarangani
Gusto mo bang sa bahay na lang gawin ang pag-embalsamo sa pumanaw na mahal sa buhay at door-to-door delivery ang order na ataul? Sa Glan, Sarangani, isang punerarya ang kayang magbigay ng kaniyang klase ng serbisyo sa pamamagitan ng kanilang iniaalok na total funeral package.
Sa ulat ng GMA News TV's SONA nitong Miyerkules ng gabi, kahit maraming ka-kompetisyon sa negosyong penerarya, hindi raw nawawalan ng suki si Joseph Sobretodo.
Bunga raw ito ng iniaalok niyang abot-kayang total funeral package sa kanilang mga kababayan sa Glan, Sarangani.
Siya na mismo ang gumagawa ng kabaong at libre ang delivery. Wala raw problema ang mga malalayong lugar na paghahatiran ng ataul dahil isinasakay nito ang produkto sa habal-habal o motorsiklo.
"Yung makitid ang daan na 'di na mapasok ng sasakyan, habal-habal o motor 'yong ginagamit namin para paghatid sa bundok," paliwanag niya.
Dahil kapos sa budget ang marami raw sa kaniyang kliyente, isinama na rin niya sa package ang pag-embalsamo sa bangkay sa bahay mismo ng namatayan para hindi na gumastos ng pagdadala sa punerarya.
Nasa Glan lang umano ang embalsamador at magiging pahirapan sa namatayan kung ihahatid pa doon ang bangkay lalo na kung umuulan. -- FRJ, GMA News