Mga kabataang bosero at pasaway, problema ngayon ng ilang Mayon evacuees sa Albay
Ang mga kabataang namboboso at pakalat-kalat sa ilang evacuation area sa Guinobatan, Albay ang panibagong sakit ng ulo ng ilang residenteng umalis sa kanilang tahanan bunga ng pag-alburoto ng bulkang Mayon.
Ayon sa camp manager ng Mauraro Elementary School, na ginagamit ngayon na evacuation camp, may mga kabataan na pumapasok sa pasilidad at gumagawa ng kahalayan.
"May mga teenager na pumapasok sa school campus kung gabi na naninilip at ipinapakita (r)aw ang ari nila. Ito ay nangyayari sa school site no. 1 at 2," saan sa sulat ng camp manager na si Leo Amano na ibinigay sa kapitan ng Barangay Masarawag sa Guinobatan.
May mga kabataan din umano na nananatili sa paaralan sa gabi kahit umiiral na ang curfew pagsapit ng 9:00 p.m.
Bukod dito, may mga kabataan din na naghahamon umano ng away sa ilang evacuees kahit walang sapat na dahilan.
Ang kopya ng sulat na may petsang Oct. 11 ay ipinost sa Twitter ni dzBB radio reporter Allan Gatus.
Ilang mga evacuees, binobosohan daw ng ilang hindi kilalang lalake sa Mauraro Guinobatan Albay @dzbb pic.twitter.com/3dXspS7JYt
— Allan Gatus (@allangatus) October 31, 2014
Sa sulat, hiniling ni Amano sa barangay na dagdagan ang mga nagpapatrolyong tanod sa lugar at mahigpit na ipatupad ang curfew hours.Tinatayang may 12,000 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers mula noong kalagitnaan ng Setyembre dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon. --FRJ, GMA News