ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Gloria Arroyo, hiniling na sumailalim sa house arrest kasunod ng pagkamatay ng apo
Hiniling ng kampo ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo nitong Lunes na isailalim siya sa house arrest para makabisita sa burol ng kanyang apo na namatay nitong Linggo.
Sa isang mosyon na inihain sa Sandiganbayan, hiniling ni Gng. Arroyo na pansamantala siyang payagan na tumuloy sa kanyang bahay sa La Vista sa Quezon City sa loob ng siyam na araw para makadalaw sa burol ng kanyang apo sa North Forbes sa Makati.
Nitong Linggo ng umaga, pumanaw si Jorge Alonzo "Jugo" Arroyo Bernas dahil sa congenital heart disease. Ang labintatlong-buwang gulang na sanggol ay anak ni Luli Arroyo-Bernas, ang nag-iisang anak na babae ng dating Pangulo.
Hiniling din ng kampo ni Gng. Arroyo na payagang siyang makapunta sa libing ng apo nito, kahit hindi pa itinatakda kung kailan at saan ang huling hantungan ng bata.
"Accused Arroyo respectfully prays that the Honorable Court immediately issue an order placing her under house arrest for nine days from November 3 to November 12 at her residence in La Vista [and to allow] her to attend daily the wake of her grandson at North Forbes [in Makati,]" ani ni Gng. Arroyo sa kanyang mosyon.
"Arroyo received the crushing news of Jugo's death while she was waiting for him to arrive at the Veteran's Memorial Medical Center yesterday morning. A day that was supposed to bring joy in the form of a grandson delivered unspeakable grief instead. A grandson is not supposed to die ahead of a grandparent. Jugo was not supposed to die ahead of his grandmother. But for reasons beyond human understanding, he did," ayon pa sa mosyon.
Samantala, sinigurado naman ng dating Pangulo na wala siyang planong umalis ng bansa kung sakaling payagan ng korte na dumalaw siya sa burol ng kanyang apo.
"She is not a flight risk and has no intention of fleeing. She only wishes to be with her family at this hour of terrible personal tragedy," ayon pa sa mosyon na inihinada ng kanyang mga abogado.
"Arroyo would like to believe that there is room enough in our justice system to accommodate the request of a grandmother to be allowed to properly grieve the loss of a grandson's life," pahayag nito.
Noong 2012, hiniling din ng dating Pangulo na makapunta sa burol ni Negros Occidental Rep. Ignacio "Iggy" Arroyo sa La Vista Subdivision sa Quezon City.
Pinayagan naman siya ng korte subalit walaong oras lamang siya pinayagang makabisita.
Taong 2012 pa nang sumailalim sa hospital arrest sa Veteran's Memorial Medical Center si Gng. Arroyo. Humaharap siya sa kasong pandarambong matapos umano nitong gamitin ang intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office na nagkakahalaga ng P366 milyon mula 2008 hanggang 2010 para sa diumano'y pansariling interes nito.
Didinigin ng korte ang mosyon ni Gng. Arroyo sa Martes, 8:30 ng umaga. — Rouchelle R. Dinglasan/RSJ, GMA News
Tags: gloriamacapagalarroyo
More Videos
Most Popular