ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mister, ipinakita ang pagmamahal sa misis na OFW na ginahasa at nabuntis sa Kuwait


Matinding pagsubok ang hinarap ng isang 32-anyos na Pinay overseas Filipino worker na ginahasa at nabuntis sa Kuwait. Ang agency na nagpasok sa kaniya sa trabaho, wala raw tulong na ipinagkaloob sa kaniya sa panahon ng kaniyang kagipitan.

Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nakauwi na sa Iloilo ang biktimang itinago sa pangalang Lyn sa tulong ng kaniyang amo.

Nakipagsapalaran sa Kuwait si Lyn bilang domestic helper, dahil sa hangarin nito na maiahon sa hirap ang kaniyang pamilya.

Pero naglaho ang mga pangarap niya nang isang gabi habang nagtatapon siya ng basura sa bakuran ng bahay ng kaniyang amo, ay may biglang humablot sa kaniya.

"May nagtakip sa ilong at bibig ko at nawalan na ako ng malay. Hindi ko na alam kung sino ang may gawa sa akin dahil hindi ko nakita," kuwento ni Lyn.



Nagbunga ang naturang panghahalay at pitong buwan na ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ngayon.

Nitong Oktubre 31, nakauwi sa Iloilo si Lyn sa tulong ng kaniyang amo.

Ayon naman sa mister ni Lyn, noong una ay halos hindi raw niya matanggap ang sinapit ng asawa.

Pero nagdesisyon silang mag-asawa na ipagpatuloy na lamang ni Lyn ang kaniyang ipinagbubuntis.

"Hindi niya naman ginusto ang nangyari, hindi naman niya sadya ang nangyari kaya tanggap ko pa rin siya," ayon sa mister.

Ipinapaubaya na lang daw nila sa Diyos ang taong lumapastangan kay Lyn.

Samantala, pinag-aaralan naman nila kung kakasuhan nila ang agency na nagbigay ng trabaho kay Lyn.

Hindi raw kasi tinulungan ng agency si Lyn nang lumapit ito sa kanila kasunod ng nangyaring panggagahasa sa kaniya. -- FRJ, GMA News

Tags: rape