ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

WIKApedia, layong ipaalala ang tamang paggamit ng wikang Filipino


Bagamat araw-araw na ginagamit ang wikang Filipino sa tahanan man o sa kalsada, maraming mga Pilipino pa rin ang hindi bihasa rito.

Dahil dito, pinangunahan ng Presidential  Communications Development and Strategic Planning Office ang paglulunsad sa WIKApedia, isang Facebook page na nagtatampok ng samu't sari at tamang paraang ng paggamit ng mga mayamang salitang Filipino.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "Paandar ng State of the Nation," layon ng nasabing Facebook page na maitama ang maling paggamit sa wika at malinawan ang mga Pinoy sa mga salitang madalas gamitin ngunit ikinalilito pa rin dahil kung hindi magkatunog, tila iisa lang ang kahulugan ng mga ito.

Ilan sa mga tampok dito ang pagkakaiba ng ng at nang, maari at maaari, at pinto at pintuan.

 


 

 


Lahat ng mga naka-post sa WIKApedia ay base sa Manwal sa Masinop na Pagsulat mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), isang gabay sa tamang paggamit ng mga salita hanggang sa tamang pagbuo ng pangungusap.

Bukod sa mga post na maaaring tignan, maaari ring magtanong sa mismong Facebook page sakaling mayroon pang ibang aspeto ng wika na ikinalilito o hindi sigurado.

Paglilinaw ng KWF, hindi pinabubulaanan ang iba't ibang porma ng wika na nabuo sa pagdaan ng panahon, kagaya na lamang ng Taglish, Bekimon, at Jejemon.

“All languages are equal, so in any form, it should be functional,” ayon kay Purificacion Delima, commissioner ng KWF.

Gayunpaman, ibang usapan pa rin ang pagsusulat sa wikang Filipino mula sa academic papers sa paaralan hanggang sa mga pahayagan.

Mahalaga raw na mayroong sinusunod at binabalikang pamantayan sa pagsususlat sa wikang Filipino. Dahil dokumentado ang mga ito, mahalagang tama ang bersyong taglay ng mga sulatin dahil maipapasa ito sa mga susunod na henerasyon.

Dagdag pa ni Delima, “Ang wika, 'pag inayos ang paggamit nito sa iba't ibang disiplina, ito ay aabot sa mataas at magandang porma. Ang tawag doon, intellectualization process.”

Maaaring i-download ng libre ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat sa kanilang website na http://kwf.gov.ph, o bilhin ito sa kanilang tanggapan sa  J.P. Laurel St., San Miguel, Manila sa halagang Php100 lamang.



— Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News