Resulta ng autopsy sa dalagitang nasawi sa hostage-taking sa Pangasinan, inaabangan
Matinding hinagpis ang nadarama ng mga kaanak ng 11-anyos na babae na nasawi sa insidente ng hostage-taking sa Asingan, Pangasinan nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Hazel Cawaing ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing hinihintay na rin ang resulta ng awtopsiya kay Zyrell Amery Rebucal upang malaman kung sino ang nakabaril sa biktima.
Nasawi si Rebucal matapos mauwi sa barilan ang may tatlong oras na pakikipagnegosasyon ng mga awtoridad sa hostage-taker na si Orlando Victoria.
Hinostage ni Victoria ang kaniyang anak-anakan na si Rebucal sa kanilang bahay matapos siyang tugisin ng mga pulis makaraan niyang barilin at masugatan ang kapatid na lalaki ng kaniyang live-in partner.
Ayon sa lola ni Rebucal, excited pa naman ang kaniyang apo nitong Miyerkules sa paghahanda sa sasalihan math olympics ngayong Huwebes.
Kinausap pa raw siya ng apo para hiramin ang kaniyang sapatos dahil naputol na raw ang sapatos nito.
"Pahiram ako ng sapatos mo, sabi ko, ibili na lang kita," kuwento ng lola sa pag-uusap nila ng biktima.
Dismayado naman daw ang alkalde ng bayan sa nangyaring insidente lalo pa't hinihinala ng pamilya ng biktima na nasa impluwensiya ng droga ang suspek.
Matagal na raw ipinag-utos ng alkalde na sugpuin ang problema ng iligal na droga sa kanilang bayan.
Nanindigan naman ang pulisya na wala silang nilabag sa Rules of Engagement kasunod ng madugong wakas ng hostage-taking kung saan napatay din ang suspek.
Hinihintay na lamang ng pulisya ang resulta ng awtopsiya sa biktima para malaman kung galing sa baril ng pulis o sa baril ng suspek ang balang bumaon sa katawan ng dalagita na dahilan ng pagkamatay nito. -- FRJ, GMA News