2 bata, patay sa putok ng sumpak na pinag-agawan ng kapitbahay nilang nag-aaway
Dalawang bata ang nagbuwis ng buhay dahil sa isang gulo na wala naman silang kinalaman sa Valenzuela City. Ang mga biktima, tinamaan ng bala ng sumpak na pinag-agawan ng kanilang kapitbahay na nag-aaway.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang dalawang batang nasawi na magkaibigan na sina JM de Leon at John Rey Clarabal, 8-anyos, kapwa residente ng Area 4 ng barangay Malinta, Valenzuela city.
Nadakip naman at nakakulong ang mga suspek na sina John Carlo Bayagosa at Ronie Montemor, na parehong kamag-anak ni de Leon.
Ayon sa ina ni John Rey, si Bayagosa ang may dala ng sumpak na itinutok sa kaaway na kamag-anak na si Montemor. Nang mag-agawan ang dalawa, pumutok ang sumpak na may bala ng 12 gauge shotgun.
Dagdag na sakit ang naramdaman ng ama ni JM na si Mario dahil siya ang tumulong para madala sa pagamutan ang duguang si John Rey.
Nanlumo umano si Mario nang sa pagbalik niya sa bahay ay malaman niyang pati pala ang anak na si JM ay tinamaan ng bala at nasawi.
Nakikinood daw ng telebisyon sa bahay ng mga Clarabal si JM nang pumutok ang sumpak.
Labis naman ang pagsisisi ng dalawang suspek sa nangyari.
Ayon kay Bayagosa, tatakutin lang daw sana niya si Montemor gamit ang sumpak pero nauwi sa trahediya ang lahat.
Nagtamo rin ng sugat sa kamay si Montemor at ang ina ni John Rey.
Desidido naman ang ama ni JM na kasuhan ang dalawang suspek kahit kamag-anak niya ang mga ito. -- FRJ, GMA News