Mangingisda sa Cebu, nagulat sa nabingwit na bangkay
Isang mangingisda sa Liloan, Cebu ang nagulantang sa kaniyang "nahuli" nitong Miyerkules ng gabi. Sa halip kasi na inaasam na isda, bangkay ng isang lalaki ang kaniyang nabingwit.
Sa ulat ni Vic Serna ng GMA Cebu, sinabi ng mangingisdang si Sonny Casbe na nangingisda siya sa ilalim ng tulay sa Barangay Suba, Liloan nang may sumabit sa panghuli niya ng isda.
Nang suriin niya kung anong isda ang kaniyang nakuha, nagulat siya nang makita ang bangkay ng lalaki.
"Hindi niya inakalang bangkay ng tao ang nabingwit niya," ayon kay PO1 Eden Pepito, desk officer ng Liloan police.
Kinilala naman ng mga kaanak ang bangkay na si Claudio Aniel.
Ayon kay Pepito, sinabi ng mga kaanak ng biktima na huli nila itong nakita na sakay ng isang pedicab.
Hindi na raw nagbigay ng ibang pahayag ang kaanak ni Aniel pero plano ng pulisya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito.— FRJ, GMA News