Sunod-sunod na sunog, naganap sa Metro Manila; pinakamalaki sa Parola, Tondo
Nasa limang sunog ang sunod-sunod na sumiklab sa Metro Manila sa nakalipas na dalawang araw. Itinuturing isa sa pinakamalaking sunog na naganap ngayong taon ang sunog na naganap sa Parola Compound sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng madaling araw na tumupok sa may 500 kabahayan.
Sa Pasig, dalawang bata na nasa edad lima at apat ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Kalawaan sa Pasig City nitong Biyernes ng umaga.
Biyernes din ng umaga nang masunog ang isang warehouse sa Pear Island sa Barangay Punturin sa Valenzuela City.
Naging pahirapan ang pagpatay sa apoy dahil sa mga kemikal na nakaimbak sa bodega.
Pagpasok naman ng Sabado, dakong 12:07 a.m., may 30 kabahayan ang kinain ng apoy sa Del Pan, Binondo sa Maynila.
Tinatayang nasa 60 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente.
Hindi pa man lubos na nakapagpapahinga ang mga bumbero sa pag-apula ng sunog sa Del Pan, bigla naman lumiyab ang apoy sa 'di kalayuang Parola Compound sa Tondo, dakong 1:23 a.m.
Dahil gawa sa light materials ang mga bahay, malakas ang hangin, at masikip ang daanan, naging pahirapan din ang pagkilos ng mga bumbero para maapula agad ang sunog.
Sa isang ulat ng GMA News TV's Balitanghali, sinabing aabot sa 500 bahay ang natupok at nasa 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Ayon umano sa Bureau of Fire Protection, ang sunog na ito ay itinuturing isa sa pinakamalaking sunog na naganap sa Metro Manila ngayong taon na umabot sa pinakamataas na general alarm, na kinailangan na ang tulong ng lahat ng bumbero sa Metro Manila.
Pinapaniwalaang napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog na nakontrol pagkaraan ng may tatlong oras.
Samantala, isa pang sunog ang naganap naman dakong 3:15 a.m. sa Barangay Santa Elena sa Marikina City.
Wala namang nasawi sa sunog na tumupok sa may 10 kabahayan na umano sa fourth alarm.— FRJ, GMA News