Dapat bang magkaroon ng batas para sa mga anak ni 'Adan' na sinasaktan ng kalahi ni 'Eba'?
Ang Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ay nilikha para pangalagaan ang mga babae at bata laban sa karahasan at pang-aabuso. Pero papaano nga ba kung ang mga lalaki naman ang naging biktima nito gaya ng mga battered husband?
Ang Diego Silang Movement, na nagsusulong sa karapatan ng mga kalalakihang biktima ng domestic violence, nais na repasuhin ang batas na ito.
Sa isang ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras, sinabing hindi tulad ng karahasan laban sa kababaihan, bihirang naririnig ang mga kaso ng pananakit na sinasapit ng lalaki mula sa kinakasamang babae.
Katunayan, sa RA 9262 na nilikha para supilin ang domestic violence, tanging ang mga babae at bata lang ang saklaw at hindi nabanggit ang mga lahi ni Adan na makararanas ng bagsik ng lahi ni Eba.
Gaya na lang ni Ferdinand na sa tuwing humaharap sa salamin, bumabalik ang mga alaala ng pagmamaltrato sa kaniyang sinapit mula sa dating kinakasamang babae.
Bakas pa sa mukha ni Ferdinand ang kalupitang sinapit sa kaniyang kinakasama dahil nalapnos ang bahagi ng kaniyang mukha nang buhusan siya ng kumukulong tubig.
Tanggap naman daw niya ang pagiging "ander de saya." Pero ang dati'y inakala lang niyang karinyo brutal ng ka live-in, naging madalas at lalong naging marahas.
Humantong daw ito sa panunutok sa kaniya ng patalim at paghabol sa kaniya ng itak. Ngayon, nagtatago na raw ang babaeng dating minahal ni Ferdinand.
Pero hindi tulad ng karahasan laban sa mga kababaihan, madala at bihirang marinig sa lipunan ang karahasan ng mga babae laban sa mga lalaki.
Kaya ang batas na naglalayong masawata ang domestic violence, ang nasakop lamang ay ang mga bata at mga babae, na silang karaniwang nababalitaan na nagiging biktima ng karahasan at pagmamaltrato ng mga lalaki.
Ang mga lalaking biktima ng karahasan sa loob ng bahay, ayon sa isang family lawyer, maaari namang maghabla ng kasong kriminal tulad ng physical injuries laban sa akusado sa ilalim ng Revised Penal Code.
Gayunman, kumpara sa parusang nakalaan sa nagkakasala ng physical injuries, higit na mabigat ang mga parusang nakalaan sa mga lumalabag pa rin sa RA 9262.
"Sana may pantay na pagtrato o meron sanang imbestigasyon muna bago ipatupad yung mga ganung ka-harsh na provisions ng batas," ayon kay Rom Factolerin ng Diego Silang Movement.
Unang hakbang daw tungo sa pagbabago ay ang paglantad ng mga lalaking biktima ng domestic violence.
Susi umano ito para malaman ang lawak ng problema at mailatag ang sapat na proteksyon para sa mga biktima ng domestic violence, ayon sa isang propesor.
"Lumilikha ng mga batas ayon sa pangangailangan...ang nagtulak doon ay yung datos na andaming kababaihang nadarahas. Sa kalalakihan, mayroon ngunit hindi pa ganoon kalaki yung bilang," paliwanag ni Prof. Bernadette Neri.
Sa isinagawang social experiment ang GMA News para malaman ang reaksiyon ng mga Pinoy sakaling may masaksihang domestic violence, lumitaw na mabilis ang reaksiyon ng publiko kapag babae ang kunwaring sinasaktan at ipinapahiya.
Pero nang ang lalaki na ang kunwaring ipinapahiya at sinasaktan sa harap ng publiko, pinagmamasdan lang ito ng mga tao.
Paliwanag ng isang nakasaksi sa eksperimento, kaya naman ng lalaki ang pananakit ng babae.
"Ibig sabihin meron nang kamalayan yung mga tao na sa ating lipunan talaga, vulnerable ang mga babae," ani Prof. Raymundo, UP Sociologist.
Sambit naman ng family lawyer na si Atty. Nikki de Vega, "Hindi natin sila dapat i-criticize. Puwede nilang saktan yung asawa nila pero hindi nila ginagawa 'yon, tinitiis na lang nila yung pang-aabuso ng asawa nila." -- FRJ, GMA News