PHL, pang-9 sa mga bansang lubhang apektado ng terorismo – Global Terrorism Index
Dumoble ang bilang ng mga aktibidad ng terorismo sa Pilipinas noong nagdaang taon, ayon sa reuslta ng pagsusuri ng Global Terrorism Index, at batay sa 2013 report nito, pang-siyam ito sa mga bansang lubhang naapektuhan ng terorismo.
Ayon sa ulat, tumaas pa ng isang antas ang kinalalagyan ng Pilipinas noong 2013 mula sa pang-10 noong 2012.
Nangunguna sa listahan ng GTI ng mga bansang lubhang aktibo ang mga terorista ay ang Iraq, sinundan ng Afghanistan, Pakistan, Nigeria, Syria, India, Somalia, Yemen, at Thailand.
Ayon sa GTI, ang nasabing mga bansa ay dumaranas ng mga panganib dulot ng terorismo sa loob ng maraming taon at mula sa pinaka-apektadong limang mga bansa ang 80 porsyento sa bilang ng mga nasawi dahil sa terorismo.
Dagdag pa ng GTI, karamihan sa aabot sa 10,000 pang-atake ng mga terorista (66 porsyento) noong 2013, ay inangkin ng apat na grupo: ang ISIL (Islamic State), Boko Haram, ang Taliban, at al Qaeda at mga kaalyado nito.
Ayon sa GTI report, na isinagawa ng international think tank na Institute for Economics and Peace, lubhang tumaas ang bilang ng mga insidente ng pang-aatake ng mga terorista sa Pilipinas sa pagitan ng 2012 at 2013 – halos dumoble at pumatak sa 499 ang mga insidente at ang bilang ng mga namatay ay mahigit sa doble mula 122 hanggang 292.
“Terrorism in the Philippines is intrinsically tied with nationalist and separatist claims by people living in provinces in southern Philippines (Mindanao),” ayon sa GTI, ngunit sinabi rin nitong “terrorism is spread across the country."
Cotabato City
Nagtala ang Cotabato City ng pinakamaraming insidente ng pang-atake na kumitil sa buhay ng 11 katao.
Ayon sa CTI report, ang New People's Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang may pinakamaraming inilunsad na gawaing pang-terorista noong 2013. Inako naman ng NPA ang responsibilidad sa 30 porsyento ng kabuuang bilang ng mga nasawi sa mga terrorist attacks.
Ang pinaka lubhang insidente, ayon sa GTI, ay ang pag-atake ng NPA sa Cagayan kung saan siyam na mga pulis ang napatay at pito ang nasugatan.
Sa Pilipinas, dagdag ng GTI, halos kalahati ng bilang ng mga namatay ay sanhi ng armadong pananalakay, sinundan ito ng assassinations na umabot sa 103 ang mga nasawi noong 2013, limang beses na mas marami kumpara noong 2012.
“The use of these tactics and targets demonstrates that many of the terrorist groups in the Philippines are seeking to directly change the political system,” ayon sa GTI.
Dagdag pa nito, ang Abu Sayyaf lamang ang gumagawa ng suicide bombing bilang taktika ng pang-aatake. — LBG, GMA News