ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dinukot na 14-anyos na babae, natagpuan ang sunog na bangkay sa Bataan


Matapos na maiulat na nawawala noong Martes, natagpuan ang sunog na bangkay ng isang 14-anyos na babae sa Mariveles, Bataan.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ng biktimang si Danielle Fereira na nakasilid sa sako sa tabi ng kalsada at malapit sa mga tanim na kawayan.

Kinumpirma na umano ng mga kaanak ng biktima na ang nakitang bangkay ay si Fereira, 3rd year high school student.

Nawala ang dalagita noong Martes matapos na dukutin ng mga suspek. Humihingi pa umano ng kalahating milyong pisong ransom ang mga ito kapalit ng kalayaan ng biktima.

Hinihintay pa ang resulta ng medico legal para malaman kung ginahasa rin ang biktima.



Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

43 kaso ng kidnapping
 

Samantala, inihayag sa pulong balitaan ng isang opisyal sa Philippine National Police nitong Biyernes na nakapagtala ng 43 kidnapping cases mula Enero hanggang November ngayong taon.

“Sa ngayon po sa trend wala pong pinipili 'yung kidnappers ngayon...'Yung iba nga diyan hindi 'yan organized [groups],” ani Supt. Rene Aspera, pinuno ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Ayon pa kay Aspera, 24 sa 43 ng nabanggit na kaso ng kidnapping ay naresolba na at ang iba naman ay patuloy na iniimbestigahan.

“Yung iba involved dati sa illegal drugs, other crimes. So ngayon yan siguro ang naisip nila, magsi-shift sila ng opration nila,” patuloy ng opisyal.

Sa naturang bilang, 21 umano ay nangyari sa Luzon at 22 sa Mindanao.

Wala namang kidnapping case na naitala sa Visayas region.

Nasa 90 porsiyneto umano ng 22 kidnapping cases sa Mindanao ay konektado sa Abu Sayyaf group. -- FRJ, GMA News

Tags: kidnap