Insidente ng teenage pregnancy sa CamSur, tumataas
Nababahala ang lokal na pamahalaan ng Camarines Sur sa pagdami ng mga kabataang maagang nabubuntis o teenage pregnancy. Isa sa mga pinakahuling kaso, ang pagbubuntis ng isang 14-anyos na dalagita.
Sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, inamin ng dalagitang si Ana, 'di niya tunay na pangalan, na may nararamdaman siyang pagsisisi sa maaga niyang pagbubuntis.
Apat na buwan na ang sanggol sa kaniyang sinapupunan, na resulta ng pag-iibigan nila ng kaniyang nobyong 19-anyos.
Dahil sa kaniyang kalagayan, tumigil si Ana sa kaniyang pag-aaral kaya naman lalo siyang nag-aalala sa magiging buhay nilang mag-ina.
Isa lamang si Ana sa naitalang 117 kaso ng menor de edad na maagang nabuntis o teenage pregnancy sa bayan ng Tinambac sa Camarines Sur ngayong taon.
Ayon sa Municipal Health Office, noong 2013 ay nakapagtala ang bayan ng halos 80 kaso ng teenage pregnancy.
Pahayag ng isang duktor, delikado ang pagbubuntis ng mga menor de edad dahil hindi pa lubos na mature ang katawan ng ina.
Ayon sa lokal na pamahalaan, isa sa mga posibleng sanhi ng pagtaas ng kaso ng teen pregnancy ay ang social media.
Dito raw kasi nagkakaroon ng mas malawak na komunikasyon ang mga kabataan at madaling maka-access sa internet ang mga pornographic material.
Sa ngayon, puspusan ang paglilibot ng mga kinauukulan sa mga high school para magsagawa ng adolescence reproductive health programs upang maipaunawa sa mga kabataan ang mga epekto ng pagiging batang ina at ama. -- FRJ, GMA News