Pinakamataas na ferris wheel sa bansa, makikita sa Pampanga
May bagong atraksyon ngayon sa Pampanga na kinatatampukan ng iba't ibang "rides," kabilang na ang sinasabing pinakamataas at pinakamalaking ferris wheel ngayon sa bansa -- ang "Pampanga Eye."
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing bahagi ng Sky Ranch-San Fernando, Pampanga ang dambuhalang ferris wheel na may taas na 65 meters o mahigit 200 feet, at diameter na 50 meters.
Ang ferris wheel ay mayroon 32 air-conditioned gondola na kayang magsakay ng apat na tao bawat isa.
May bayad na P150 para makasakay sa gondola na iikot ng may 10 minuto upang makita ang magandang view ng Mt. Arayat at buong Pampanga horizon.
Bukod sa "Pampanga Eye," may 21 pang rides na puwedeng pagpilian ng mga tao gaya ng loop roller coaster, octopus ride, space shuttle, bumper boat, super viking at iba pa.
Magbubukas sa publiko ang amusement parak sa November 30. Libre ang entrance pero may bayad ang bawat rides na nagkakahalaga ng mula P15 hanggang P150.
Kasabay nito, hile-hilera na rin ang bentahan ng parol sa Pampanga na tinagurian ding Christmas capital ng bansa.
Ang naggagandahang parol, nagkahahalaga ng P900 hanggang P25,000. -- FRJ, GMA News