Inirereklamong guro ng pangmomolestiya, may relasyon sa kaniyang 12-anyos na estudyante?
Nahaharap sa reklamo ang isang lalaking high school teacher sa San Mateo, Rizal dahil sa pangmomolestiya umano nito sa isa niyang babaeng estudyante na 12-anyos.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing nag-ugat ang reklamo laban sa guro makaraang makita ng kapwa niya guro ang ginagawa nito sa estudyante.
Base sa sinumpaang salaysay ng guro na nagsampa ng reklamo, nahuli raw niya ang co-teacher na hinahalikan at hinahawakan sa maseselang bahagi ng katawan ang babaeng estudyante nito noong nakaraang Oktubre 15 sa loob ng mismo ng eskwelahan.
Nai-pa blotter na raw ng guro sa barangay ang kaniyang nasaksihan noong Oktubre 17, at sinita niya rin ang kapwa guro dahil sa ginawa nito.
"Yung teacher, hinahalikan ang bata habang ang kamay nasa maselang parte ng katawan ng babae," ayon sa nagreklamong guro.
Dagdag ng guro, pinagsabihan niya ang kaniyang co-teacher na mali ang ginagawa nito. Pero tugon daw ng inireklamo niyang co-teacher, "pinagbigyan ko lang ang bata."
Naipadala na raw ang salaysay ng nagreklamong guro sa tanggapan ng Department of Education, kasama ang salaysay ng iba pang mga saksi.
Sa pag-uusap daw sa pamamagitan ng palitan ng mensahe sa social media ng sinasabing estudyante at sa isa pang guro, lumilitaw na naghahanap daw ng kalinga ng isang ama ang babae at inamin nito na may relasyon sila ng kaniyang guro.
Hindi rin daw itinanggi ng babae ang nakitang ginagawa nila ng inirereklamong guro.
Paliwanag daw ng babae, bagaman naghahalikan sila at nagyayakapan ng guro, wala pa rin daw "nangyayari" sa kanilang dalawa dahil pinangalagaan din nito ang kaniyang "virginity."
Idinulog na rin ng nagrereklamong guro ang usapin sa pulisya, na kaagad namang nagtungo sa mga magulang ng bata para kausapin at mag-imbestiga.
Batid na rin ng pamunuan ng paaralan ang usapin. Gayunman, wala ang principal ng paaralan at ang reklamong guro nang puntahan ng GMA News para makuha ang kanilang panig.
Sa barangay, napag-alaman din na nagpa-blotter ng harassment ang inirereklamong guro laban sa kapwa guro na nagsampa ng reklamo sa kaniya. -- FRJ, GMA News