ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang 'Cabinet Crisis' sa pamahalaan noong 1923


Dahil sa pag-absuwelto sa isang "police detective" na inireklamo ng katiwalian, at kautusan na ibalik ito sa puwesto, nagbitiw sa posisyon ang ilang kasapi ng Gabinete at Council of State ang mga lider ng Kongreso na naitala sa kasaysayan ng pulitika bilang "Cabinet Crisis of 1923."

Nasa ilalim noon ng pamamahala ng Amerika ang Pilipinas nang maganap ang Cabinet crisis sa ilalim ng liderato ni Governor General Leonard Wood.

Nang panahon iyon, inireklamo ng panunuhol at iba pang iligal na gawain ang Amerikanong detective na si Ray Conley na nakatalaga sa Manila police. Bunga nito, sinuspinde siya ng nakatalagang Interior Secretary noon na si Jose P. Laurel.

Pero kahit pinawalang-sala ng nagsisiyasat na lupon si Conley, nagpasya si Laurel na hindi alisin ang kaniyang suspensyon dahil kuwestiyunble na kaniyang integridad. Gayunman, nilakad ni Conley sa pamahalaan ang kaniyang kaso at iniutos ni Wood kay Laurel na ibalik ito sa puwesto.

Ngunit nanindigan si Laurel sa kaniyang pasya at hindi umano siya papayag na mayroong tao sa kaniyang pinamumunuang ahensiya na hindi tapat sa tungkulin.

Bunga nito, naghain ng kaniyang pagbibitiw si Laurel sa posisyon, at nakiisa sa kaniyang desisyon ang iba pang kalihim na sina Jose Abad Santos (Justice); Ernesto Laguda (Commerce); Alberto Barredo (Finance) at Rafael Corpus (Agriculture and Natural Resources).

Nagbitiw din bilang kasapi ng Council of State ang noo'y Senate President na si Manuel Quezon at Speaker na si Manuel Roxas. Nagbitiw din sa kaniyang puwesto ang nakaupong alkalde ng Maynila na si Ramon Fernandez. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia