ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Top 10 graduating students sa public HS, maaaring mabigyan ng full scholarship sa SUCs


Magandang balita.

Sa tulong ng bagong batas na magkakaloob ng full scholarship sa Top 10 students na magtatapos sa public high schools sa bansa, hindi na imposibleng makapag-kolehiyo ang mga mahihirap pero matatalinong mag-aaral.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing isa si Marion Segarra, sa mga mag-aaral na maaaring makinabang sa Republic Act 10648 o Iskolar ng Bayan Program, na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Kahit hirap kasi sa buhay ang kaniyang pamilya, nagpupursige si Segarra sa kaniyang pag-aaral kaya naman laging nasa top 10 ng kanilang batch sa Don Alejandro Roces Senior Science High School, isang public school.

Sa ilalim ng RA 10648, magbigyan ng scholarship ang mga nasa top 10 ng graduating class ng anumang public high school, na inaasahang maipatutupad sa susunod na school year, ang panahon na magkokolehiyo na si Segarra.
 


Ayon sa Commission on Higher Education (CHED,) maaaring ang graduating class sa susunod na school year ang makinabang sa programa. Depende pa raw iyan sa lalamanin ng implementing rules and regulations o IRR na gagawin ng CHED at Department of Education.
 
Ipinaliwanag din na walang babayarang tuition o anumang school fees ang iskolar na sakop ng programa kung mag-aaral siya sa isang state universities and colleges o SUC.

Kailangan din nilang maipasa ang entrance exam nito at maibigay ang iba pang requirements.

Gayunman, sa unang taon lang mabibigyan ng scholarship sa kolehiyo ang estudyante. Sa susunod na taon, maaari na umanong mag-apply ang estudyante sa financial assistance program ng CHED kung kuwalipikado ito.

Kahit limitado ang ibibigay na scholarship sa bagong batas, malaking tulong pa rin daw ito sa tinatayang 80,000 estudyanteng makikinabang.

Sinasabi rin sa ulat na isa sa bawat dalawang high school graduate ang hindi makakatuntong sa kolehiyo dahil sa kahirapan kaya makatutulong ang naturang bagong batas.

"Dahil nga po dito tayo ay nakaksiguro halos na ang lahat nang ating mahuhusay na mag-aaral na magsisipagtapos will have an  will have an opportunity to proceed to college," ani DepEd Asec Tonisito Umali.

Gayunman, kailangan pa rin umanong subaybayan kung sasapat ang inilaang P3.5 bilyon scholarship budget sa mga SUC. Ito'y kahit hindi pa raw tiyak kung ilan ang kuwalipikadong estudyante ang nanaising mag-aral sa mga unibersidad at kolehiyong sinusuportahan ng gobyerno. -- FRJ, GMA News