ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paratang na pagkakalat ng maling impormasyon, pinabulaanan ng anti-APECO group


Pinabulaanan ng Task Force Anti-APECO ang pahayag ng isang resource person sa Senado noong nakaraang linggo ukol sa umano'y kampanya ng grupo sa pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO).

Sa pagdinig ng 2015 budget ng APECO, sinabi ni Regina Eneria, isang Dumagat leader, na hindi inagaw ng APECO ang lupain ng mga katutubong Dumagat. Dagdag pa nito, nalilinawan na rin umano ang isipan nila sa mga mabuting naidudulot ng ecozone at freeport.

“Ang sinasabi ay kukunin daw iyong aming lupain. Kaya po pumayag kami na magkaroon ng petisyon sa Supreme Court. Kaya po noong nalaman ko nang makipag-usap ako sa taga-ecozone, hindi naman pala totoo na kukunin iyong lupain namin, gumawa rin po ako ng salaysay ko para ipasa sa Supreme Court na wala na, hindi naman totoo na inaagawan kami ng lupa ng ecozone,” diin ni Eneria, na laging kasama noon sa mga protesta laban sa APECO.   

Sa pahayag na ipinadala sa GMA News Online ni Faye Gozales,  media coordinator ng TFAA, sinabing “Hindi kinakatawan ni Bb. Eneria ang lahat ng mga katutubong naaapektuhan ng APECO. Hindi sinasalamin ng kanyang pahayag ang tunay na saloobin ng mga katutubong hindi ipagbibili ang kanilang pagsang-ayon sa mga kahina-hinalang gawain ng APECO.”

Dagdag pa niya, labag sa saligang batas na pumoprotekta sa karapatan ng mga katutubo, o ang Indigenous People's Rights Act (RA 8371), ang pagsama ng ancestral domain nila sa APECO at sa pagkabigong makamit ang Free, Prior and Informed Consent ng mga mga katutubo.

Samantala, imbes na APECO ang sisihin, pinaratangan ng mga katutubo, ayon kay Eneria, si dating Casiguran Mayor Reynaldo Bitong na "mang-aagaw" ng kanilang lupain at binalak na raw ng karamihan sa mga Dumagat na kasuhan ang dating alkalde ng “land grabbing” ng Dumagat ancestral land (kasama ang burial site) sa Casapsapan.  

Dagdag pa ni Eneria, “Kung mayroon mang mang-aagaw ng lupa [sa Casiguran, Aurora], alam ko si Mayor Bitong – na dating kasama sa board of director ng ecozone ng APECO.”

Ayon sa pahayag, walang makitang basehan ang TFAA sa paratang ng mga Dumagat laban kay Bitong. Inililihis lamang nito ang atensyon sa tunay na kailangang managot sa mga pagkakamali ng APECO.

Nauna nang ipinahayag ni Bitong ang kanyang pagtutol sa APECO dahil hindi siya nakunsulta ukol sa proyekto.

“May land titles kami. Walang illegal mining na nangyari. Ano po ‘yung evidence? Bakit ngayon lang nagreklamo?” ayon kay Bitong sa naunang pahayag.

Sa nabanggit na pagdinig sa Senado, idiniin din ni Eneria na pilit siyang pinananiwala na kapag maitayo ang APECO, magiging entertainers o GROs ang lokal na kababaihan.  

Iginiit naman ng TFAA na hindi pamimilit ang ipinararating ng kanilang grupo sa mg katutubo. Ayon sa grupo, “Pabayang inihayag ng APECO na sinabi naming pupuwersahin nilang umanib sa prostitusyon ang mga kababaihan. Sinabi lang namin na ang mga trabahong malilikha ng APECO ay hindi regular, hindi permanente at hindi akma sa kasanayan ng mga taga-Casiguran.”

Humarap umano si Eneria sa Senado dahil hindi na nito masikmura ang panloloko at kasinungalingan na ikinakalat ng anti-APECO group.

Aniya, unti-unti nang nalilinawan ang isipan ng mga katutubo at iba pang residente ng Casiguran sa paglabas ng mga negatibong isyu laban sa APECO.

“APECO has been subjected to various negative allegations, including land-grabbing and encroachment of the ancestral lands of indigenous peoples. We have worked doubly hard to resolve and clarify these, because no such incidents ever occurred,” ayon naman kay APECO President and Chief Executive Officer Atty. Gerardo Erquiza.

Kamakailan lamang, nagpahayag din ng suporta sa pamamagitan ng Manifesto of Support ang mga barangay captain ng Casiguran kaugnay sa APECO project.

Matatandaang inakusahan ng ilang mga magsasaka sa Casiguran ang APECO ng pagharang nito sa proseso sa "renewal of stewardship contracts" ng mga magsasaka doon. 

Ipinaliwanag naman ng anti-APECO group na ang natukoy na Manifesto of Support ng mga barangay captain para sa APECO ay "pagsang-ayon sa mga plano ng APECO, hindi sa mismong batas nito."

Ayon sa TFAA, sinabi umano ni Kapitan Barcenas, isa sa mga naimbitahang pumirma sa Manifesto of Support at tumangging gawin ito, na hindi naipaliwang sa kanila ang batas ng APECO.

Suporta lamang umano sa mga planong may kinalaman sa housing at infrastrucutre ang ibinigay ng mga kapitan, at ang mga planong ito ay wala pa ring kasiguraduhang mabubuo.

Giit pa ng TFAA, “Hindi [ito suporta] sa mismong ideya ng APECO at lalung-lalo na sa nilalaman ng batas na nagbibigay-buhay dito.”

Di dapat bigyan ng badyet

Bukod sa mga nabanggit, idiniin rin ng anti-APECO group na hindi dapat mabigyan ng budget ang APECO para sa susunod na taon kasabay ng paggiit ni Sen. Sergio Osmeña III na bigyan lamang ng  P40 milyon bilang caretaker budget ang APECO sa halip na P250M dahil sa, aniya, "it is just a waste of people’s money."

Anila, hindi raw nagamit ng wasto ang pondong inilaan dito nitong mga nakaraang taon at kaduda-duda rin ang paggamit nila sa perang nagkakahalaga ng halos P70 milyon.

“Binigyan sila ng CoA ng Notice of Suspension para sa kaduda-dudang paggamit ng perang nagkakahalagang P69,376,249.33. Nakatanggap din sila ng Notice of Disallowance para sa ilegal at labis na paggastos ng P335,971,118.54. Hindi dapat sila bigyan ng budget hanggang hindi nila naipapaliwanag kung saan napunta ang pera ng bayan. Malinaw sa report na ito na walang accountability at transparency sa parte ng APECO,” giit ng TFAA.

Dagdag pa ng grupo, wala rin daw investors at walang kinikita ang APECO sa kabila ng lahat ng perang inilalaan dito. Hindi rin ito nagpapakita ng palatandaang magiging isang maunlad na economic zone at investment hub dahil "sa total annual income nito mula 2011 hanggang 2013, walang bababa sa 96% ang income subsidy na galing sa gobyerno."

Nananawagan ngayon ang TFAA sa Kongreso na tignan kung saan inilalaan at kung paano ginagamit ng APECO ang pondong ipinagkakatiwala sa kanila sa mga nakaraang taon.

Nararapat lamang umano na panagutan muna nito ang responsibilidad sa perang ibinigay sa kanila noon bago ito manghingi ng mas marami pa.

Giit ng TFAA, “Huwag nating bigyan ng budget ang APECO hindi lang dahil sa kanilang iresponsableng paggamit ng budget, kundi dahil ang kaunlarang ipinapangako nila ay salungat sa tunay na kaunlaran – ang kaunlarang hindi ipinipilit at ipinapataw sa iba, bagkus mapagpalaya pa.” — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News