PNP chief Alan Purisima, pinapasuspindi ng Ombudsman
Iniutos ng Office of the Ombudsman na suspindihin si Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima kaugnay ng hinihinalang maanomalyang kontratang pinasok ng pulisya sa isang courier service noong 2011.
Inihayag ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan nitong Huwebes sa isang press briefing, na ang anim na buwan at walang sahod na suspensiyon kay Purisima.
Naibigay na umano ang kopya ng nasabing kautusan sa Department of Interior and Local Government (DILG), ang kagawaran na nakasasakop sa PNP.
Ayon kay Rafanan, "Upon receipt, [the] DILG secretary (Mar Roxas) must immediately implement [the order].”
Nahaharap si Purisima sa dalawang reklamo ng plunder sa Office of the Ombudsman dahil sa mga tago umano nitong kayamanan. Kabilang sa mga naging basehan ng reklamo ang kaniyang resthouse sa San Leonardo, Nueva Ecija, at ang kuwestiyunable umanong pagpapaayos ng PNP chief's official quarters sa loob ng Camp Crame.
Bukod kay Purisima, inirekomendang suspindihin din ng anim na buwan nang walang sahod kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sina Police Director Gil Meneses, former chief of the Civil Security Group (CSG), mga dating opisyal ng Firearms Explosive Office na sina P/C Supt. Raul Petrasanta, P/C Supt. Napoleon Estilles, P/SSupt. Allan Pareno, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Melchor Reyes, P/SSupt. Lenbell Fabia, P/Supt. Sonia Calixto, P/CInps. Nelson Bautista, P/SInsp. Ford Tuazon, at P/CInsp. Ricardo Zapata.
AK-47
Ayon pa kay Rafanan, suspendido rin sa loob ng anim na buwan ang mga sumusunod na opisyal kaugnay naman ng mga nawawalang AK-47 firearms:
Petrasanta,
P/CSupt. Regino Catiis,
Acierto,
Parreño,
P/Supt. Nelson Bautista,
P/CInsp. Ricky Sumalde,
Zapata,
P/CInsp. Rodrigo Benedicto Sarmiento,
SPO1 Eric Tan
SPO1 Randy De Sesto,
at mga non-uniformed personnel na sina Nora Pirote,
Sol Bargan,
Enrique Dela Cruz.
Nilinaw naman ni Rafanan na hindi na kasama sa pangalawang utos sina Meneses, Estilles, at P/CSupt. Tomas Rentoy II, na kasama sa orihinal na listahan ng mga inirereklamo matapos mapag-alaman ng Ombudsman na retirado na ang mga ito.
PNP, susunod sa utos
Tumangging magbigay ng pahayag si PNP spokesperson Senior Supt. Wilben Mayor sa ngayon dahil hindi pa umano nakatatanggap ng kopya ng utos sina Purisima at iba pang opisyal ng PNP mula sa DILG.
“I would like to defer from giving a statement for now as we have yet to receive a copy of the order. We await further communication from the DILG,” ani Mayor ng makausap ng GMA News Online.
Hindi rin sinabi ni Mayor kung alam na ni Purisima ang tungkol sa suspension order dahil kasalukuyan nasa Saudi Arabia ang opisyal para sa isang official travel.
Ayon kay Mayor, “Basta we will abide by the rules. Meron tayong legal process na kailangan sundin.”
Hindi pa rin umano natatanggap ng PNP ang kopya ng suspensyon laban sa mga miyembro ng pulisya na nasasangkot sa isyu ng mga nawawalang AK-47 firearms.
“Wala pa kahit anong order coming from the Office of the Ombudsman or the DILG. We will act on the matter accordingly upon receipt of such order,” paglilinaw niya.
Kontrata ng courier service
Samantala, ayon sa reklamong naging basehan ng Ombudsman upang imbestigahan si Purisima at iba pang mga opisyal, nakipagkasundo umano ang PNP sa pamamagitan ng kontrata sa courier service na WERFAST Documentary Agency noong 2011 para sa pagpadedeliver ng firearms license cards kahit na wala itong tamang akreditasyon.
Ayon sa Fact-Finding Investigation Bureau of the Office of the Deputy Ombudsman, na-accredit lamang ang kompanya dalawang taon matapos itong pumirma ng kontrata kasama ang PNP.
Inaprubahan ni Meneses ang nasabing akreditasyon, at ng CSG head, na sinang-ayunan naman ni Purisima.
Itinalagang PNP chief si Purisima noong Disyembre 2012.
Nakasaad rin sa naunang pahayag mula sa Office of the Ombudsman na batay sa tala ng Bureau of Internal Revenue, hindi nagbayad ng buwis ang WERFAST simula 2011 hanggang 2013. -- BRDabu/FRJ, GMA News