ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Drayber, isiniwalat ang 'spray' modus sa taxi para makatulog ang pasahero


Isang taxi driver ang umamin at nagkuwento sa GMA News sa ginagawa niyang modus upang mapatulog ang kaniyang pasahero at mapagnakawan gamit ang "spray."

Sa exclusive report ni John Consulta sa GMA News TV's Balitanghali nitong Huwebes, ikinuwento ng taxi driver na itinago sa pangalang "Zaldy," ang sistema niya sa paggamit ng spray upang mapatulog ang kaniyang pasahero.

"Gilid ng upuan namin sa manibela, sinisimplehan namin i-ispray doon. Pipigain lang namin yung kasi kulob naman, okay na 'yon. Tapos magbubukas lang ng bahagya dito sa bintana namin para sumingaw, para hindi kami masyadong maapektuhan," kuwento niya.
 
Nabibili daw nila ng iba pang drayber ang kemikal na gamit sa spray sa iisang supplier.



Wala raw pinipili si Zaldy na bibiktimahin, lalaki man o babae.
 
Dagdag pa niya, mas mabilis ang epekto ng spray kung pagod o lasing ang kanilang pasahero.

Kapag napansin niyang tulog na ang pasahero, ititigil daw ni Zaldy sa tabi ang taxi at kakapkapan na ang biktima para kunin ang mga pakikinabangang bagay.

Tumatalab daw ang kemikal sa spray ng 15 hanggang 30 minuto.

Sakaling magising namang bigla ang pasahero, magdadahilan umano si Zaldy na nasiraan ang sasakyan kaya sila nakatigil.

"Sabihin ko nasiraan tayo hanggang dito nalang tayo... iaangat ko ng konti yung hood kunwari nasira," dagdag ng drayber.

Ikinagulat ni Arnel del Rio, tagapagsalita ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ang nakuhang impormasyon ng GMA News sa umaming drayber.

Sinabi nito na ginagawa ng LTFRB ang lahat para mahuli ang mga ganitong klase ng taxi driver.

Muli namang paalala ng mga awtoridad, dapat mag-ingat ang mga sumasakay. Sakaling maging biktima, dapat daw na magsampa ng reklamo sa LTFRB para maipatawag ang may-ari ng prangkisa.

Sabi naman ni Atty. Jun de Guzman, hepe ng National Bureau of Investigation-NCR, makabubuting may kasama kung sasakay ng taxi lalo na kung alanganing oras.

Dapat daw maging alerto ang pasahero at kunin ang mga impormasyon tungkol sa drayber at taxi tulad ng plaka at kumpanya nito. -- FRJ, GMA News