ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang artistang Pinoy na nagbida sa pelikulang ginawa sa Hollywood


Taong 1950's nang ipalabas ang isang pelikula na may bersiyong pang-Hollywood at Pilipinas na pinagbidahan ng isang Pinoy actor na gumamit ng pangalang "Ramon del Gado." Kilala ba ninyo kung sino siya na naging politiko rin?
 
Ang Hollywood version ng pelikulang "Sword of the Avenger" ay pinagbidahan ni "Ramon del Gado," na mas kilala sa Pilipinas bilang si Rogelio dela Rosa. 

Ang nasabing pelikula na kinunan mismo sa Amerika ay ginastusan at idinirek ng Amerikanong si Sidney Salkow. Naging leading lady ni Dela Rosa sa bersiyon na ito ang noo'y sikat na Hollywood actress na si Sigrid Gurie.

Ang Pinoy version ng pelikula ay may titulong "Ang Vengador," na ang leading lady niya ay ang nagsisimula pa lamang noon na si Pacita Francisco.

Si Dela Rosa rin ang kauna-unahang artista na matagumpay na nakapasok sa pulitika nang mahalal siyang senador noong 1957. 

Ikinasal si Dela Rosa kay Lota Delgado, na naging leading lady din niya sa pelikula.

Nobyembre 10, 1986 nang pumanaw si Dela Rosa dahil sa sakit sa puso sa edad na 70. -- FRJ, GMA News
 
Tags: pinoytrivia