ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang panindak na dala ni 'Ruby'


(Ang personal na karanasan ni GMA News reporter Joseph Morong na naatasang mag-ulat ng magiging epekto ng bagyong si "Ruby" sa Bicol region).
 
 
Pinag-aaralan pa lamang ng mga eksperto ang mga lugar sa Pilipinas na posibleng tumbukin ni "Ruby"(Hagupit), nararamdaman ko na na madedestino ako sa lugar na maaaring tamaan ng bagyo.
 
At hindi ako nagkamali.  Huwebes, Disyembre 4, sinabihan ako ng opisina na magko-cover kami ng bagyo sa Legazpi sa Albay, isa sa mga posibleng daanan ni "Ruby." Sabi ko, okay na rin sa Bicol dahil mas malapit sa lalawigan ng Quezon.
 
Taga-Lucena ako at solo na lang si Mame (nanay) ko sa bahay. Kung sakaling kakailanganin, malapit-lapit lang ako sa lugar namin.
 
Pero medyo kampante naman ako dahil tila iniiwasan yata ako ng bagyo. May ilang pagkakataon na kasi na naatasan akong mag-cover ng bagyo, na sa kabutihang palad ay pawang hindi naging mapaminsala.
 
Nangyari ito noon nang mag-cover ako sa Aurora at isa pa sa Olongapo, Zambales. Sa mga pagkakataon iyon, inihanda ko ang sarili na mabasa ng malakas na ulan kahit nakasuot ng jacket, at mahampas ng malakas na hangin. Pero salamat at hindi nangyari ang pinapangambahang hagupit ng kalikasan.
 
Sa bantang delubyo ni "Ruby," Biyernes, December 5 ay nasa Legazpi City na kami ng aking news team. Binati kami ng napakagandang bulkang Mayon, na tuwing makikita ko ay napapangiti ako at nagbibigay sa akin ng kasiyahan.
 
Sabi ng opisina, sa Legazpi raw dadaan si "Ruby" kaya maaga pa lang ay nakapuwesto na kami tulad ng relief goods na naka-preposition at ipapamahagi sa mga magiging biktima ng kalamidad.
 
Kung magkakatotoo ang pagtaya na tatama ang bagyo sa Legazpi at magdulot ito ng matinding ulan at hangin, malaking problema. Bukod kasi kay "Ruby," hindi pa rin ligtas sa panganib ang Albay sa nag-aalburutong Mayon na nasa Alert  Level 3 pa rin.

Bukod pa diyan ang banta lahar flow na maaaring dumaloy kasama ng tubig-ulan. Dahil sa mga bantang iyon, sinasabing 500,000 residente ang kailangang ilikas para mailayo sila sa kapahamakan.
 
Nang araw na iyon pagkatapos ng mga report namin sa "24 Oras," "State of the Nation with Jessica Soho" at "Saksi", nabasa ko sa aming viber group sa opisina na kailangan ng aking team na lumipat sa Sorsogon. Dito raw kasi unang tatama ang "mata" ni "Ruby" bago sa Legazpi.
 
Kinabukasan, bumiyahe kami ng halos isa't kalahating oras papunta sa Sorsogon. Tinungo namin ang Matnog Port, na nang sandaling iyon ay idineklara na ng mga awtoridad na "No Man's Zone". Ipinagbawal na ang paglalayag ng sasakyang pandagat bilang pag-iingat sa hagupit na posibleng dala ni "Ruby."
 
Muli kong tiningnan ang "forecast track." Kapag tama 'yon, pagkatapos sa Sorsogon ay dadaanan sa Lucena ang bagyo. Kaya sinabihan ko ang kapatid ko na umuwi sa amin. Sa bayan ng Candelaria kasi sila naninirahan ng kaniyang asawa.
 
Pero sabi niya, "mainit pa, sayang ang kikitain." Sabi ko naman, "hindi ka maisasalba ng pera."

Dahil may kalakasan si "Ruby" base sa mga pagtaya ng mga eksperto na parang bagyong si "Pablo," kinakabahan ako. Tumakbo sa isip ko ang mga istorya ng mga kasamahan ko sa trabaho tungkol sa nakunan nilang mga eksena sa naging hagupit ng bagyong "Yolanda." Parang mahirap sa loob ko na maghahanap ng nawawala kong nanay kapag nanalasa ng husto si "Ruby" sa Lucena.



Pero kailangang magtrabaho. Seryoso kong binantayan kung saan tatama si "Ruby." Kaya kapag sinasabi namin sa mga report ang mga inaasahan mangyayari tungkol sa bagyo, para na rin naming sinasabihan ang aming pamilya. Kahit papaano, napapayapa ang loob namin.
 
Parehong nakasalalay sa mga iuulat namin ang buhay ng mga taong nakatira sa mga lugar na tatamaan ng bagyo, at pati na ang pamilya namin. Sa pagkakataong ito, umaasa ako na sana ay mangyari muli ang nangyari noon sa iba kong coverage sa bagyo, na hindi mangyari ang inaasahang hagupit nito.

Yung bang parang may "birtud" ako na iniiwasan ng bagyo.
 
Mahirap tantiyahin si "Ruby"...hihina, lalakas, babagal, bibilis. Pumuwesto kami sa isang palengke para makakuha ng magandang video pagdating ng bagyo. Ang pagtaya ng mga dalubhasa, tatama si "Ruby" sa Samar at kapag nasa Tacloban na ito, mararamdaman na namin siya sa Sorsogon.
 
Sabado ng gabi hanggang madaling araw ng Linggo, inabangan namin si "Ruby" pero puro natsot (natural sound) lang muna dahil madilim pa sa paligid. May pabugso-bugsong ulan at hangin na sa madaling araw pero ang umaga pa raw lubos na mararamdaman ang lakas nito sa Sorsogon.

At tila tama nga ang pagtaya. Magsi-six ng umaga, sabay ang buhos ng malakas na ulan at hangin. Pagkatapos naming kumuha ng video sa bayan, lumipat kami sa isang pantalan para sa dagdag na kuha pero  biglang tumigil na ang hangin at ulan pagkaraan pa lang ng may 10 minuto.

Parang bang nagpakuha ng video si "Ruby" at biglang nawala. Nakukulangan pa ako sa video kaya nagpasya kami ng team na magtungo sa Brgy. Central sa Casiguran, Sorsogon.  Doon, may mga bahay na nasa tabi mismo ng dagat. Naging maulan ang biyahe papunta sa lugar, pero pagdating namin sa pantalan, nadatnan namin ang mga residente na nangunguha mga seashell.

Bukas na rin ang mga tindahan at may bumibili pa ng mga mangga. Medyo maliwanag na rin ang kalangitan. Natatawa na lang kami ng cameraman kong si Kim Sorra. Pabiro kong sinabi sa kanya, "mukhang buhay ang birtud."

Sa 'di kalayuan, may nakita pa kaming dalawang mangingisdang sakay ng bangka na papalayo para mangisda. Tila normal na yata sa kanilang buhay ang ganoong sitwasyon.  Mabilis ang usad ng mga mangingisda kahit may kalakihan ang mga alon. Pinasundan ko sila sa camera at bigla silang nawala. Iyon pala, may malakas na ulan na bumuhos.


Naging malakas din ang hangin. Kusang bumubuka ang talukap ng mga mata ko na parang hinihipan. Sa kabila nito, may namataaan pa akong dalawang residente na relax pa rin sa pamumulot ng kabibe sa dalampasigan. Pero kung kampante sila, ako, medyo kinabahan na. Naalala ko ang idinulot na pinsala ng storm surge na ginawa ni "Yolanda" sa Tacloban City noong 2013.

Nasa tabing-dagat ako ngayon at kahit na nakasuot ako ng lifevest, parang ayaw ko naman na madaling magpa-Quezon dahil sa paglangoy sa dagat na dala daluyong ni "Ruby."  

Pagkatapos naming masiguro na may video na kami. Umatras na kami ng team pabalik ng Sorsogon City. Pero kung gaano kabilis umulan at humangin ng malakas, ganung kabilis din itong nawala. Sabi ko, parang artista si "Ruby," kapag nakunan na ang eksena, balik normal na. Parang nanindak lang.
 
Pero may take two pala si "Ruby." Dahil kinagabihan ng Linggo, December 7, talagang nagparamdam na ng husto ang bagyo sa Sorsogon. Ito yung kuwento sa amin ng mga taga-Brgy. Bon-ot big sa Matnog, Sorsogon na pinuntahan namin.
 
Naging maingat  ang opisina at hindi kami hinayaan na sumugod agad sa lugar. Baka raw puwede munang pahupain ng konti ang bagyo dahil kahit maaraw na, may gale warning pa rin. Pinayagan naman kami ng Coast Guard na magtungo sa lugar at kasama namin si Kapitan Arturo Garbin. May lifevest din kami at alam ng mga awtoridad ang aming patutunguhan kaya alam nila kung saan kami hahanapin anuman ang mangyari.
 
Naawa ako sa nakita ko sa Bon-ot. Gawa sa pawid at kahoy ang karamihan sa mga bahay. Walang laban sa malakas na alon. Sabi ni kapitan, lampas tao ang humampas na alon sa kanila. Hindi hangin ang sumira sa mga bahay kung hindi mga alon mismo. Parang mahirap mabuhay sa lugar na tuwing may bagyo ay nanganganib buhay mo.
 
Biro ni kapitan, taon-taon daw ay paiba-iba ang hitsura ng mga bahay nila. Gusto raw sana nila na magkaroon ng seawall. Si Mang Gerry, iibahin na naman ang hitsura ng bahay niya. Wala na kasing dingding ang bahay niya. Ang anak niya, nasa harap ng bahay, nakangiti kaming sinalubong. Sabi ni Mang Gerry, "wala namang magagawa kundi trabahuhin ulit". Tama nga naman, sabi ko sarili.
 
Mabuti na lang at walang nasawi sa Brgy. Bon-ot. Pre-emptively evacuated sila bago pa man tumama si "Ruby." Zero casualties ang Sorsogon. Sabi ni PDRRMC Dir. Raden Dimaano, inilikas nila kaagad ang mahigit 200,000 mga residente nila. 
 
Lunes ng umaga, tumayo ako para magreport sa "Unang Hirit." Sa likod ko, unti-unti nang sumisilip ang araw. Bago matapos ang report ko, sinabihan ako ng technical team namin na "wrap" na. Tumigil na ako sa pagrereport.


 
Sabi ko sa sarili ko, nasa ibang probinsiya na ang interes ng balita. Tumingin ako sa paligid ko, may nagki-clearing operation na at inaalis na ang mga naputol na sanga ng kahoy. Unti-unti nang nagsisilabasan ang mga tao sa kalye, wala na rin ang malakas na hangin.

Tapos nang manindak at magparamdam si "Ruby sa Sorsogon, 'di siya lubos na nakapaminsala, gumana na naman ang birtud ko?
 
Biro ni Ma'am Jess (Jessica Soho), ang coverage ko sa bagyo at parang naging "summer sarap" dahil sa kuwentuhang sa office sa paraan ng viber. Kasi, nabanggit ko doon ang tungkol sa masarap na daing na natikman ko sa Legazpi. Ang daing o binilad na isda na parang "danggit" na hindi naman. Kasing-alat pero mas malaman.

Sabi ni Mang Jun na driver namin, "newlook" daw ang pangalan ng isda. Naitanong ko kung bakit "newlook." Taong 2000 lang daw kasi iyon nagpakita sa dagat.  Medyo magaan na ang pakiramdam namin dahil pahina na nang pahina si "Ruby" habang tumatawid sa Pilipinas. Umiwas na rin siya sa Lucena.
 
Nag-landfall siya sa Batangas na malapit lang sa Lucena pero puro ulan na lang. Sabi ng kapatid ko, balik-Candelaria na raw sila. Nag-alala na lang si Mame sa ulan pero sinabihan ko siya na mahina na ang bagyo kumpara noong una siyang tumama para mapayapa ang kaniyang kalooban.

Pagkatapos, ako naman ang inaalala niya nang napanood niya si Vicky Morales sa "24 Oras," at napuna ang pagiging malat ng boses ko. Nasundan pa ng payo ni Ma'am Jess sa "SONA" na kailangan ko na raw ng salabat. At least, ang boses ko na lang inaalala ni Mame. Okay na siya.

Iyon kasi ang araw-araw niyang ginagawa -- ang kumustahin ako at alamin kung mayroon ba akong sipon, ubo, lagnat, o kung kumain na ba ako, kung nakatulog na ako, kung bakit hindi pa ako umuuwi, kung bakit nasa field pa raw ako kahit gabi na. Kumbaga, back to regular programming
na si Mame. Ayos na rin ako.
 
Sa airport sa Legazpi, binigyan ako ni Mang Jun ng powder salabat. Ayos! Try ko ito pagbalik ng Maynila.
 
Nung nasa Sorsogon ako, biniro ko si Mame tungkol sa birtud ko sa bagyo kaya hindi siya dapat mag-alala. Sabi naman niya, "God guides you always." Siguro nga. Pero hindi lang marahil ako kung hindi lahat tayong mga Pilipino. Parang pagkatapos ni "Yolanda," siguro sabi ni Lord, pahinga muna tayo sa kalamidad. Sana may moratorium ang Pilipinas sa bagyo ng 100 years.
 
Sabi ng boss ko na si Ma'am Grace (dela Peña), ipapadala daw ako lagi sa mga bagyo para umiwas. Bakit hindi, kung uubra ba ang birtud ko. —FRJ/NB, GMA News