Bonggang New Year's countdown sa Makati, kanselado muli
Sa ikalawang sunod na pagkakataon, kinansela ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang magardong New Year's countdown sa pagsalubong sa 2015 bilang pakikisimpatiya sa mga sinalanta ng bagyong "Ruby" (Hagupit).
Ito na ang ikalimang pagkakataon na walang isasagawang countdown ang lungsod mula nang simulan ito sa 2004.
Nitong nakaraang taon, kinansela rin ang selebrasyon sa pagsalubong sa bagong taon para makisimpatiya naman sa mga naging biktima ng bagyong "Yolanda."
Kinansela rin ang countdown noong 2005 dahil sa naranasang economic crisis; 2009, dahil sa malaking sunog sa lungsod at hagupit ng mga bagyong Ondoy at Pepeng; at 2010, dahil sa West Tower oil leak crisis sa Brgy. Bangkal.
Karaniwang ginagawa ang magarbong New Year's countdown sa Ayala Avenue sa Makati na kinatatampukan ng fireworks display at free concert.
Sa isang post sa kanilang website nitong Miyerkules, nakasaad na gagamitin na lamang ang nakalaang P30-million budget para sa countdown sa pagtulong sa mga lugar na nasalanta ni "Ruby."
Nitong 2013, kinansela rin ng Makati ang countdown para makisimpatya sa mga biktima ni "Yolanda." Marami umano sa lugar na naapektuhan ng bagyo ay mga "sister city" ng Makati.
“We hope the residents and visitors of Makati, especially those who were looking forward to the countdown, would understand and support our decision to again forego it this year. So many of our fellow Filipinos are suffering and they need all the help we can give,” pahayag ni Makati Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay Jr.
Idinagdag ng alkalde na hiniling niya sa konseho ng lungsod na magpasa ng resolusyon para pahintulutan ang lokal na pamahalaan na magkaloob ng tulong sa mga naging biktima ni "Ruby." -- FRJ, GMA News