Kumpisal ng bugaw: Prostitusyon, talamak sa loob ng Bilibid; presyo ng babae, abot sa P50k
Isang bugaw ang nagkuwento sa GMA News tungkol sa nangyayari umanong transaksiyon ng prostitusyon sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Samantala, umaasa naman si Justice Secretary Leila de Lima na masasawata na ang mga kalokohan sa kulungan matapos mabuo na ang mga regulasyon sa Bureau of Corrections Modernization Law.
Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, eksklusibong nakapanayam ni Emil Sumangil ang isang bugaw na nagpapasok umano ng mga babae sa loob ng NBP para sa mga parokyano niyang Chinese inmate sa loob ng bilangguan.
Ayon sa bugaw na itinago sa pangalang "Sylvia," umaabot sa P30,000 hanggang P50,000 ang presyo ng mga babae na dinadala niya sa kulungan kapag maganda ito at bata. Kung may edad naman ang babae, nasa hanggang P20,000 daw ang presyo.
Kumikita umano si Sylvia sa pamamagitan ng pagkuha ng komisyon na 10 porsiyento ng presyo ng babae.
Malaya raw nakapapasok si Sylvia sa kulungan dahil napiit din doon ang kaniyang asawa na nahatulan sa kasong robbery at murder.
Sinabi pa ni Sylvia na batid at nakatimbre sa ilang tauhan at opisyal ng kulungan ang nangyayaring prostitusyon sa kulungan.
"Darating sila doon, ibibigay lang ang pangalan, i-aano na sa empleyada. Minsan, bugaw mismo kakausap sa empleyada may konekta na sila doon sa loob," paliwanag niya.
Bukod sa prostitusyon, sinabi ni Sylvia na laganap din sa loob ng piitan ang sugal tulad ng sabong. May pagkakataon pa umano na napapanood ng mga preso sa widescreen ang sabong at may mga pustahan na umaabot sa milyon ang halaga.
Naging saksi rin umano siya sa pagpupuslit ng armas sa loob ng kulungan. Ipinakita sa ulat ang larawan ng isang lalaking inmate na may hawak ng baril.
Ang naturang litrato ay nakunan daw ilang buwan matapos may sumiklab na gulo sa loob ng presyo.
Bukod sa prostitusyon, sugal, pagpasok ng armas, nauna nang napaulat ang umano'y talamak ding bentahan ng iligal na droga sa loob ng NBP.
Batid naman mismo ni Justice Secretary Leila de Lima ang mga problema sa bilibid. Kaya bukod sa isinasagawang mga surprise inspections sa mga selda, umaasa siyang magkakaroon ng mas matinding puwersa ang DOJ at BuCor sa paglabas ngayon ng implementing rules and regulations (IRR) ng BuCor Modernization Law. -- FRJ, GMA News