ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

#Throwback2014: Mga kuwento ng katapatan na hindi natin dapat kalimutan


 
Marami pa rin ang mga kababayan natin ang nabubuhay ng marangal at hindi nagkakaroon ng interes sa mga bagay na hindi kanila. Balikan natin ang kuwento ng nga tapat na Pinoy na nais na pinagpaguran ang kanilang ipakakain sa pamilya.
 
Tapat na tricycle driver na 2 beses nagsauli ng napulot na pera, pinarangalan
 
 
Hindi lang isa, kung hindi dalawang beses nang nagsauli ng napulot niyang pera ang tricycle driver na si Joel garcia sa Orani, Bataan. Dahil sa kaniyang katapatan, pinarangalan siya ng lokal na pamahalaan ng nabanggit ng bayan.
 
Honest na tricycle driver, isinauli sa pasahero ang naiwang wallet na may pera
 
 
Patakaran na raw sa buhay ng tricycle driver na si Sonny Paglingayan ng San Carlos City, Pangasinan na tanging pinaghirapan lang niya ang ipakakain niya sa kaniyang pamilya. Kaya naman nang may maiwan na wallet sa kaniyang tricycle na may lamang libu-libong pera, hindi niya ito pinag-interesan at isinauli niya sa may-ari.
 
Sukli sa tapat na construction worker na nagsauli ng pitaka: magandang trabaho sa NZ
 
 
Matapos maitampok sa GMA News "24 Oras" dahil sa pagsasauli ng nawalang pitaka na naglalaman ng humigit kumulang P20,000, nakatanggap ang construction worker na si Adones Datalayta ng imbitasyong magtrabaho sa Farrel Group Ltd., isang kompanyang nakabase sa New Zealand.
 
Pitaka na may mga tseke na may halagang P1 milyon, isinauli ng jeepney driver
 
Hindi naman pinag-interesan at ibinigay ng jeepney driver na si Tommy Lasoy ng La Union sa mga awtoridad para ibalik sa may-ari ang nakita niyang pitaka na may mga tseke na may halagang P1 milyon. Nakita niya ang pitake sa palikuran ng isang gas station, at lumitaw na nabiktima ng panloloko ang may-ari ng mga tseke. 
 
2 tapat na janitor na nagsauli ng P1M sa Iloilo airport, nais bigyan ng pagkilala
 
Dahil sa ipinakita nilang katapatan sa pamamagitan ng pagsasauli ng isang bag na may lamang P1 milyon na nakuha nila sa Iloilo airport, inirekomenda ng pinuno ng Department of Tourism Western Visayas na mabigyan ng parangal ang dalawang janitor na sina Rubilyn Dela Peña at Edgar Penit.
 
Tapat na Pinay waitress, pinarangalan sa Italya
 
Abot hanggang sa Italy ang katapatan ng mga Pinoy. Naging local celebrity sa Arezzo, Italy, ang Pinay na si Jielyn "Giulia" Rodriguez, waitress sa Tuscan restaurant, matapos siyang parangalan ng lokal na pamahalaan matapos niyang ibigay sa mga awtoridad ang napulot niyang wallet na may lamang €1,200 (P73,794.54). —JST, GMA News 

Tags: multimedia