ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kabilang ka ba?: 20% lang ng 74-M Pinoy Catholics ang regular na nagsisimba


Nakatala sa National Statistics Office (NSO) na tinatayang 74 milyong Filipino ang Katoliko sa bansa, na kumakatawan sa buong populasyon ng Pilipinas. Pero ayon sa Simbahang Katolika, nasa 15 milyon o 20 porsiyento lamang ang regular na nagsisimba upang dumalo sa banal na Misa tuwing Linggo.

Gayunman, sinabi sa ulat ng GMA News Saksi nitong Miyerkules, na mas marami naman sa mga dumadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi ay mga kabataan.
 
Paliwanag dito ni Fr. Rey Paglinawan, Youth Director ng Diocese ng Cubao, maraming kabataan ang dumadalo sa Misa de Aguinaldo o Misa de Gallo dahil sinasabayan nila ito ng kasiyahan.
 
"Patok ito sa mga kabataan kasi ito yung mga oras na madalim pa...mahilig ang mga kabataan na magpuyat," ani Paglinawan.



Pero hirap daw ang parokya na hikayatin ang batang henerasyon na maging aktibo sa mga regular na aktibidad sa simbahan gaya ng pagdalo sa misa sa Linggo.

Naniniwala naman ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual, na malaki ang epekto ng internet at social media sa nagbabagong prayoridad ng mga bata, na kung tawagin ay "secularism" o pagkamit ng kaligayahan sa materyal na bagay higit na sa pananampalataya.

"Ito ang number one na kalaban ng pananampalataya ngayon," aniya.

Para mahikayat naman ang mas maraming kabataan na regular na magsimba, iminungkahi ni Paglinawan na gamitin ang social media.

"Yung internet, let's use this to evangelize young people kasi 'pag 'di natin gagamitin kung ano ang kinakahiligan nila, parang ang layo na natin sa kanila," paliwanag niya. — FRJ, GMA News