ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 2k kataong lumikas sa pag-alburoto ng Mayon, balik na sa kani-kanilang bahay


Sa kani-kanilang tahanan at hindi sa evacuation center ipagdiriwang ng mahigit 2,000 residente ng Malilipot sa Albay ang Pasko. Dalawang buwan na ang nakalilipas nang lisanin ng mga residente ang kani-kanilang bahay dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
 
Ang mga residente ay bahagi ng 551 pamilya na pinayagan nang umuwi mula sa San Jose Elementary School sa Malilipot, Albay na ginawang evacution center, ayon sa isang ulat nitong Martes ni Maila Aycocho ng GMA-Bicol.
 
"Nagpa-decamp na. Nag-meeting kami kahapon sa (local government unit). Sabi ni Mayor mag-decamp na. Kaya kumilos na yung mga tao," ayon kay said San Jose Elementary School camp officer-in-charge Amelia Beniza.
 
Nasa 12,000 pamilya ang inilikas ng pamahalaang panlalawigan ng Albay mula sa danger zone sa paligid ng Mayon makaraang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa alert level 3 ang sitwasyon ng bulkan noong kalagitnaan ng Setyembre.
 
Nitong Nobyembre, pinayagan na ng mga awtoridad na pauwiin na rin sa kanilang mga tahanan ang mga nakatira higit sa six-kilometer permanent danger zone dahil sa pagbaba ng aktibidad ng bulkan.
 
Kahit nananatili pa rin ang alerto sa bulkan, hindi raw nangangamba ang ilang residente na nakatira sa PDZ kung biglang sumabog ang Mayon.
 
May ilang residente naman ang natuwa na makuuwi na sila dahil nagkakasakit umano ang kanilang anak sa evacuation center.
 
Nilinaw naman ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na wala silang iniuutos na decamping.
 
Ayon kay Beniza, sinabihan sila na muling ililikas ang mga residente at ibabalik sa paaralan kapag lumubha muli ang sitwasyon ng bulkan. --  FRJ, GMA News