ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sundalo, sugatan sa pagsabog ng IED; bomba, itinago sa puno


Nasugatan ang dalawang sundalo sa pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) na itinago sa isang puno sa Tubungan, Iloilo. Hinala ng militar, miyembro ng New People's Army (NPA) ang naglagay ng pampasabog.

Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing nasaksihan ni kagawad Danilo Garcia ang pagsabog ng bomba habang dumadaan sa kalye ng Brgy. Sibucauan ang trak na sinasakyan ng mga sundalo ng 31st Division Reconnaissance Company ng Philippine Army sa Western Visayas.



Sa lakas ng pagsabog, nasira ang linya ng kuryente sa barangay.

Tinamaan naman ng mga shrapnel sa likod si Private First Class Amado Celiz, habang sa kamay naman nasugatan si PFC Ronald Minguillo.

Kinondena naman ng Philippine Army ang insidente, at sinabing pagtatanim ng bomba ay paglabag sa International Humanitarian Law.

Inaalam na ngayon kung saan posibleng nagtatago ang mga rebelde. -- FRJ, GMA News