Mga tiwali, 'di raw makapagpapasasa sa P2.6-T 2015 budget, ayon kay PNoy
Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes ang P2.606-trillion national budget na naglalaman ng bagong kahulugan ng 'savings' matapos ideklara ng ng Supreme Court (SC) na partly unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng administrasyon.
Inaprubahan rin ni Aquino ang 2015 national spending plan, na kilala noon bilang Republic Act (R.A.) 10651, sa isang seremonya na dinaluhan ng mga opisyal ng Gabinete, mga miyembro ng Kongreso at mga kinatawan ng pribadong sektor sa Malacañang.
Nakasaad sa R.A. 10651 na pinapayagan ang ehekutibo na ideklara ang ilang bahagi o balanse ng 2015 budget na hindi itinuturing savings, na ayon sa mga kondisyong inilaan ng Kongreso.
Halimbawa nito na maidedeklara lamang savings ang pera mula sa budget ng susunod na taon para sa mga proyektong hindi naituloy o naabandona kung ang dahilan ng pagkakatigil ng proyekto ay hindi kapabayaan o kasalanan ng ahensya ng gobyerno.
Nilagdaan ang budget ilang buwan matapos ideklara ng SC na unconstitutional ang ibang bahagi ng DAP, partikular na ang pinaglaanan ng "savings" o natipid ng gobyerno.
Sa desisyon ng SC hinggil sa DAP, sinabing hindi dapat idinedeklarang savings ng ehekutibo ang mga unreleased at unobligated funds dahil ang mga pondong nasa ilalim ng DAP ay para sa mga proyektong hindi pa natatapos.
Noong ipinatutupad pa ang DAP, nakasaad sa General Appropriations Acts ng 2011 hanggang 2013 na ang saving ay pondo na “available after the completion, or final discontinuance, or abandonment of the work, activity or purpose for which the appropriation is authorized.”
Ninais ng ehekutibo na ang kaukulang awtoridad ang magdeklara ng karampatang alokasyon ng budget bilang savings sa kahit anong panahon. Gayunpaman, inalis ng Senado ang bahaging ito matapos punahin ni Sen Miriam Defensor-Santiago, na maaaring mapawalang-bisa ang kapangyarihan ng Kongreso sa pondo.
Wala na ang 'pork'
Ayon kay Aquino sa isang talumpati matapos lagdaan ang 2015 General Appropriations Act (GAA), siniguro niya na hindi mapupunta sa bulsa ng mga opisyal ng gobyerno ang alinmang bahagi ng pondo para sa susunod na taon.
Iginiit rin niya na hindi na kasama sa 2015 budget ang unconstitutional na priority development assistance fund (PDAF), na binansagan ring “pork barrel.”
“Tiyak ko, malungkot naman ngayon ang mga dating nagpapasasa sa kaban ng bayan. Dahil sa mga ipinatutupad nating paggugol na matuwid, nahihirapan na silang magpakapal ng bulsa gamit ang perang hindi naman talaga kanila,” ani Aquino.
Dagdag pa niya, nakasaad sa 2015 budget na kinakailangang magsumite ng ulat ng mga ahensya ng gobyerno sa Kongreso na nagdedetalye kung papaano nila ginamit ang pondong inilaan sa kanila.
“Sa mga hindi maisakatuparan ito, may karampatan tayong sanction,” ayon sa Pangulo.
Idiniin rin ng Pangulo na inalis na ng gobyerno ang special allotment release orders (SAROs) na nagpapahintulot ng paglalabas ng lump sum funds.
Ayon sa kanya, “Pinabilis na natin ang proseso ng pagba-budget. Nabawasan na natin ang pangangailangan sa SARO; sa pagpirma natin, good as released na ang mga budget ng ahensya. Ililinis at nililinaw natin ang proseso para higit pang mabawasan ang espasyo sa katiwalian.”
Nasa oras ang pagpasa
Sinabi rin ni Aquino sa naturang talumpati na naaprubahan ng administrasyon ang budget sa takdang oras sa limang magkakasunod na taon.
“Sa ika-limang pagkakataon, naipasa natin sa tamang oras ang budget para sa susunod na taon. Ibig sabihin, sa bawat taon ng ating paninilbihan, ginawa natin ang ating tungkulin,” ayon kay Aquino.
Dagdag pa niya, hindi niya pinahintulutan ang gobyerno na tumakbo sa pamamagitan ng reenacted budget, na aniya'y maaaring maging sanhi ng korupsiyon.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad na ang pagkakaapruba ng 2015 budget ay “historical.”
“Not since democracy was restored in 1986 has the government enacted the national budget on time for five straight years. When the administration began, our aim was to establish a tradition of promptness in signing the GAA,” ayon kay Abad.
P62.3 B para sa CCT
Nakasaad sa 2015 national budget, na mas malaki ng 15.1% sa budget noong nakaraang taon, na nakalaan ang pinakamalaking pondo sa Department of Education (DepEd), ayon na rin sa nakasaad sa 1987 Constitution.
Para sa susunod na taon, mayroong nakalaang P367.1 bilyon sa DepEd, mas mataas sa natanggap nilang P309.5 bilyon noong nakaraang taon.
P62.3 bilyon naman ang inilaan sa conditional cash transfer program (CCT), ang programa ng gobrayeno na kontra-kahirapan sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.
May kabuuang P21.7 bilyon naman ang inilaan para sa disaster risk reduction at response sa susunod na taon. -- BRDabu/FRJ, GMA News