Buntis, nasapul ng ligaw na bala; mga biktima, umakyat na sa 8 katao
Isinugod sa pagamutan ang isang buntis matapos siyang tamaan ng ligaw na bala sa hita sa San Jose, Batangas.
Sa ulat ng GMA's “24 Oras” nitong Sabado ng gabi, sinabing nakikipag-usap sa kaniyang kamag-anak sa laban ng bahay si Maricel Luna nang may maramdamang masakit sa kaniyang kanang hita noong Huwebes.
“Naramdaman ko, akala ko may bumato lang. Nakita ko may dugo na. Nung tingnan yung bubong may butas na,” kuwento ng biktima.
Dinala si Luna sa San Jose District Hospital upang alisin ang bala sa kaniyang hita. Hindi naman naapektuhan ang kaniyang ipinagbubuntis.
Inaalam pa kung sino ang nagpaputok ng baril.
Ayon sa nasabing ulat, may naitala nang walong kaso ng stray bullet mula noong Disyembre 16, at pitong insidente ng indiscriminate firing.
WATCH: Batang nasawi dahil sa ligaw na bala, hindi pa rin nabibigyan ng hustisya
Sa naunang ulat, sinabi ng Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Superintendent Wilben Mayor, na pag-iibayuhin pa nila ang kampanya laban sa indiscriminate firing. -- FRJ, GMA News