ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ulan at baha, bumungad sa maraming lugar sa CamSur at Albay sa unang araw ng 2015


Naging maulan ang unang araw ng taon sa lalawigan ng Camarines Sur at Albay na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar.

Sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing halos walang tigil ang magdamag na pag-ulan sa Camarines simula nitong bisperas ng bagong taon.

Sa sentro ng bayan ng Baao, naging pahirapan ang pagtawid ng mga sasakyan sa mga kalsada dahil sa abot-tuhod na baha.

Inabot din ng tubig ang ilang tindahan ng prutas na nakaapekto naman sa kanilang negosyante.



Binaha rin ang ilang barangay at ang sentro ng bayan ng San Fernando.

Pinasok ng tubig ang mga bahay na nasa mabababang lugar.

Sa Naga City, binabantayan ng Public Safety Office ang mga lugar na laging binabaha. Inihanda rin ang rescue teams at evacuation areas sakaling patuloy na tumaas ang tubig.

Sa probinsya ng Albay, magdamag din ang pagbuhos ng ulan simula nitong Miyerkules. Dahil dito, binaha ang maraming lugar kabilang na ang Tobaco City.

Sa barangay Pawa, umapaw ang tubig sa isang sakahan papunta sa mga pangunahing kalsada.

Ayon sa Pag-asa, umabot sa 107.2 mm ang bumuhos na ulan sa lalawigan simula noong bisperas ng bagong taon hanggang nitong Huwebes.

Ang pag-ulan ay epekto raw ng low pressure area na dating bagyong "Seniang," pati na ng tail end ng cold front. -- FRJ, GMA News

Tags: flooding