ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bola ng jueteng, ginagawa raw sa bahay ng isang brgy chair sa Naga City


Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng isang barangay chairman sa Naga City matapos makatanggap ng impormasyon na ginagawa sa bahay ang bolahan ng jueteng.

Ayon sa ulat ni Elmer Caseles ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing nakalagay sa harap ng isang bahay sa barangay Dayangdang ng nabanggit na lungsod ang isang tarpaulin na nakasaad na nagsasagawa rito ng bingo lottery, na fund raising project ng barangay.

Pero base sa nakarating na impormasyon sa pulisya, hindi bingo kundi iligal na jueteng ang ginagawa sa naturang bahay kaya sinalakay ito ng mga awtoridad.



Tumambad sa mga operatiba ang mga kagamitan at papel na hindi naman daw akmang gamitin sa bingo lottery kundi para sa jueteng.

Kabilang sa mga kinumpiska ang mga bolahan ng numero, pera at iba pang gamit sa sugal. Dinakip din ang 27 katao na inabutan sa bahay, na karamihan daw ay hindi residente sa barangay.

Wala ang may-ari ng bahay nang isagawa ang pagsalakay na nakilalang si chairman Joshua Calleja.
 
Pero dumating si Calleja sa Prosecutor's Office, at doon ipinaliwanag niya na may permit daw ang ginagawa niyang fund raising project na lottery sa bahay.

Iginiit din niya na pa-bingo lang at hindi jueteng ang ginawang pagbola sa kaniyang bahay.

Kinumpirma naman ng lokal na pamahalaan na binigyan ng pahintulot si Calleja na magpa-bingo sa naturang barangay.

Paiimbestigahan daw nila para malaman kung totoong nagpa-jeueteng ang kapitan sa mag-fund raising lang.

Sinampahan naman ng reklamong illegal gambling ang mga nasasangkot sa kontrobersiya.
Wala pang pahayag ang Department of the Interior and Local Government sa naturang usapin. -- FRJ, GMA News

Tags: jueteng