ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Korupsiyon, kahirapan na bahagi ng mensahe ni Pope Francis, tinutugunan na -- PNoy


Pinagtutuunan na raw ng pansin ng pamahalaan ang panawagan ni Pope Francis laban sa korupsyon at kahirapan bago pa man ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III nitong Lunes.
 
Sa panayam ng media matapos ang pag-alis ni Pope Francis, inilahad ni Aquino na ang pagsugpo sa korupsyon ay bahagi ng layunin ng administrasyon simula nang umupo siya sa puwesto.
 
Gayunpaman, inamin ni Aquino na mayroon pa ring nangyayaring katiwalian sa ilalim ng kaniyang administrasyon at dapat papanagutin ang mga nasasangkot dito.
 
"Hindi tayo humihinto. Kailangan lang nating daanin nga sa tamang proseso dahil may kasabihan nga, ‘yon talagang sukatan ng demokrasya ay hindi yung pagtatanggol mo ng karapatan ng kaibigan mo, pero lalo ng kaaway mo," ayon sa Pangulo.
 
Dagdag pa niya, "Nagpapatuloy ng corruption. Siyempre, kaaway natin ‘yan, pero importante idaan natin sa tamang proseso para lahat ay nasa lugar at nasa katotohanan.”
 
Sa courtesy call ng Santo Papa kay Aquino sa Malacañang noong Biyernes, hinamon ni Pope Francis ang mga lider ng bansa na waksan ang ano mang uri ng korupsiyon na nagiging dahilan ng pagkukulang ng yaman na maaari sanang mapunta sa mga mahihirap.
 
Ipinahayag ng Santo Papa ang kaniyang mensahe sa harap ng imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang na si Bise Presidente Jejomar Binay,  at ilang mambabatas na inaakusahan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
 
Di pinababayaan ang mahihirap
 
Sa mga misa at pagtitipon na kaniyang dinaluhan sa bansa, paulit-ulit na binigyan-pansin ng Santo Papa ang kahalagahan ng pagtulong sa mga mahihirap at sa mga napapabayaan ng lipunan.
 
Ayon kay Aquino, pinagtutuunan din ng pansin ng kaniyang administrasyon ang kahirapan, lalo na sa pamamagitan ng conditional cash transfer o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4 Ps).
 
Sa kabila nito, iginiit niya na hindi kaagad mararamdaman ng mga mahihirap na Pilipino ang epekto ng mga programa kontra sa kahirapan.
 
Aniya, "Lalo ng mararamdaman iyan kapag natamasa na natin yung biyaya ‘nung lahat ng mga proyekto tulad ‘nung 4Ps, na siyempre pag-aaral. Medyo hindi madadama overnight yung resulta ‘non pero patungo tayo doon." 
 
Kahit nabawasan ang bilang ng mga mahihirap sa Pilipinas noong nakaraang taon, nananatiling marami pa rin ang mahihirap sa bansa, batay na rin sa mismong datos ng gobyerno. -- BRDabu/FRJ, GMA News