ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nasawi sa pagguho ng pader sa Bulacan, umakyat na sa 10


UPDATED, 10:46 pm: Umakyat na sa 10 katao ang namatay sa pagguho ng pader sa itinatayong gusali sa Guiguinto, Bulacan nitong Sabado ng hapon.
 
Sa ulat ng GMA News nitong Lunes, sinabing kinailangang gumamit ng mga heavy equipment ang mga rescuer gaya ng jackhammer, backhoe at payloader para makuha ang mga biktimang construction workers.

Ang mga biktima na nakuhang may buhay pa, kaagad na dinala sa Bulacan Medical Center.

Sinasabing sa barracks o tulugan ng mga construction worker bumagsak ang pader, na nang maganap ang trahedya ay nataon umanong nagpapahinga ang mga manggagawa na tinatayang mahigit 10.

Kuwento ng asawa ng isa sa mga nasawi, nakarinig siya ng malakas na kalabog at nakita niya pa ang kaniyang asawa na tumatakbo pero inabutan ng pagbagsak ng pader.

Ayon kay Bulacan Gov Wilhelmino Alvarado, napansin na may kaliitan umano ang bakal na ginamit sa bumagsak na pader kumpara sa dami ng sementong ginamit dito.
 
Magsasagawa umano ng mas malalim ng imbestigasyon ang pamahalaang panlalawigan sa trahediya para malaman ang sanhi ng pagguho ng pader.

Sa isang ulat ng GMA News TV's "QRT," sinabing kabilang sa mga biktima ay isang batang pitong-taong-gulang.



Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, sinabing naganap ang trahediya sa isang ginagawang warehouse sa brgy. Ilang-ilang sa Guiguinto.
 
Dalawa umano sa mga dinala sa ospital ang  kritikal ang kalagayan.
 
Inaalam din ng mga awtoridad kung ilan pa ang naipit dahil na rin sa mga impormasyon na pahingahan ng mga obrero ang lugar na binagsakan ng pader. -- FRJ, GMA News