Nawawalang tutor at bata na kaniyang tinuturuan, nakita sa Cebu City
Sa Cebu City natagpuan ang hinahanap na lalaking tutor at ang bata na kaniyang tinuturuan mula sa Bacolod City. Ang tutor na maaaring maharap sa kasong kidnapping, may sariling kuwento kung bakit niya tinangay ang batang limang-taong-gulang.
Sa ulat ni Gregy Magdadaro ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabi ng tutor na si Alan Quilbio, 58-anyos, na dinala nila ang bata dahil daw sa personal na alitan nila ng ina nito.
Umalis sa Bacolod city si Quilbio kasama ang bata noong Enero 4. Tumawag daw ang suspek sa pamilya ng biktima at nanghingi ng P16,000 kapalit ng kalayaan ng bata.
Humingi pa raw ulit ang suspek ng karagdagang P20,000.
Pero hindi na nakarating sa suspek ang pera dahil natunton na siya ng pulisya sa pinagtataguan nitong pension house sa Cebu city.
Paliwanag ng suspek, huli na raw na makapagdesisyon siya na ibalik na ang bata dahil batid naman niyang ipakukulong rin naman siya.
Tinangay daw niya ang bata dahil sa galit niya sa ina nito bunga ng ginagawang paninira sa kaniya.
Inakusahan din ng suspek ng sexual harassment ang ina ng bata.
Ipinaalam daw niya sa ama ng bata ang tungkol sa reklamo niya sa babae sa pamamagitan ng e-mail.
Gayunman, itinanggi ng ina ng bata ang alegasyon ng suspek. Itinuring daw nilang hindi iba ang suspek nang tanggapin nila ito sa kanilang pamilya at gawing tutor ng kanilang anak.
Sa ngayon, wala pa raw sa isip ng ina ng bata na kasuhan ang suspek dahil ang kaligtasan ng kaniyang anak ang kanilang prayoridad.
Mula sa Cebu city, dadalhin si Quilbio sa Bacolod upang isampa ang kaukulang reklamo laban sa kaniya ng pulisya. -- FRJ, GMA News