Misis ng OFW, namatay matapos bigyan daw ng maling gamot sa ospital
Sisiyasatin ng Department of Health (DOH) ang reklamo na nagkaroon daw ng medical malpractice kaya namatay ang isang ginang ng overseas Filipino worker nang dalhin ito sa isang ospital sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Gregy Magdadaro ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, ipinakita ang video footage ng biktimang si Jocelyn Coliflores na tila nagwawala sa loob ng ospital.
Ang naturang video ay kinunan umano ng mismong anak ng ginang sa loob ng Mandaue City Hospital. Dinala umano ang biktima sa ospital dahil sa pabalik-balik na lagnat at labis na panghihina noong Enero 2.
Sinasabing nagwala raw ang biktima matapos mabigyan ng gamot na antibacterial drug at gamot na pampakalma ng isang medical personnel.
Pero makalipas daw ang 30 minuto, namatay na ang pasyente.
Duda ng mga kaanak ni Coliflores, mali ang gamot na ibinigay sa biktima kaya lalong lumala ang kalagayan nito.
Sa death certificate. lumabas na ruptured cerebral aneurysm ang ikinasawi ni Coliflores.
Dahil sa nangyari, biglang napauwi sa bansa ang mister ni Coliflores na si Cesar, mula sa pinagtatrabahuhan nito sa Saudi Arabia.
Napag-alaman na ini-upload sa Facebook ni Cesar ang video ng kaniyang maybahay para malaman ng publiko ang sinapit nito at humingi ng katarungan.
Libu-libong netizens ang nabahala sa sinapit ng biktima.
Nagsampa na ng reklamo si Cesar sa Commission on Human Rights laban sa ospital.
Samantala, natanggap na ng DOH-Region 7 ang endorsement letter mula sa CHR at bubuo raw sila ng grupo na magsisiyasat sa insidente.
Gayunman, nanawagan ang DOH kay Cesar na maghain pa rin ng pormal na reklamo sa kanilang tanggapan.
Ayon naman sa pamunuan ng Mandaue city Hospital, sinimulan na nila ang sarili nilang imbestigasyon.
Kabilang daw sa iniimbestigahan bila ang dalawang duktor at tatlong nurses ng ospital na tumingin sa pasyente.
Sa kabila nito, iginiit ng ospital na hindi sila nagpabaya, ayon sa ulat.
Maging ang alkalde ng Mandue city, nag-utos din na imbestigasyon ang naturang pangyayari sa ginang. -- FRJ, GMA News