WATCH: Bumbero, dental floss ang gamit para maputol ang pusod ng sanggol na isinilang sa jeep
Isang bumbero na nagtapos ng nursing sa Mountain Province ang nagpakita ng bilis sa pag-iisip nang gamitin niya ang dental floss para maputol ang pusod ng bagong silang na sanggol. Ang baby, lumabas sa kaniyang ina sa loob ng sinakyan nitong pampasaherong jeepney na naaksidente sa Quezon City.
Sa exclusive report ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing kabuwanan na ng 18-nyos na si Mary Joy Maravilla nang bumiyahe ito pa-Maynila mula sa Laguna nitong Huwebes.
Pero maliban sa matagtag na biyahe, nakadagdag daw sa paghilab ng kaniyang tiyan at tuluyang panganganak ang pagkakaipit niya sa mga kapwa pasahero nang mabangga ang kanilang sinasakyang jeepney sa Libis, Quezon city.
Isang guwardiya na nakatalaga sa isang establisimyento sa pinangyarihan ng aksidente ang humingi ng tulong sa kalapit na fire station.
Kaagad namang rumesponde si Fire Officer 3 Niel Boclongan sa lugar na kinaroonan ni Maravilla.
Pero nakapagsilang na si Maravilla sa upuan ng jeepney nang dumating si Boclongan. Nasa maayos na kalagayan naman at malusog ang sanggol.
Pero may isang proseso pa na kailangan gawin bago madala sa ospital ang mag-ina...hindi pa napuputol ang umbilical cord ng bata.
Dahil walang sapat na gamit sa panganganak sa lugar, kaagad na dumiskarte si Boclongan at kinuha ang dala niyang dental floss na ginamit niyang pamputol sa pusod ng bata.
Paliwanag ni Boclongan, kailangang malinis ang gagamitin na pamputol sa pusod ng bata at ang hindi pa nagagamit na dental floss ang naisip niyang pinakamalinis na gamit nang mga sandaling iyon.
Nang maputol ang pusod, kaagad na dinala ang mag-ina sa ospital.
Nitong Biyernes, binisita ng mga bumbero at ang mag-ina sa pagamutan.
Nagpasalamat si Maravilla sa mga taong tumulong sa kanila, habang binigyan naman ng pagkilala sa kaniyang himpilan si Boclongan. -- FRJ, GMA News