ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Obispo ng Cotabato humiling ng masusing imbestigasyon sa ‘misencounter’


Humiling ang Archdiocese ng Cotabato ng masusing imbestigasyon sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng PNP Special Action Force at Moro Islamic Liberation Force (MILF) sa Mamapasano, Maguindanao.
 
Ayon kay Archdiocese of Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo, kailangang alamin ng gobyerno kung ano ang nagtulak sa PNP-SAF na magsagawa ng raid sa Mamapasano.
 
"Ano ba ang nagtulak sa kanila?... panawagan natin na tingnan ng mabuti ang malalim na dahilan kung bakit ginawa ito," sabi ni Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
 
Dagdag nito na baka may kinalaman ang pag-atake sa $5-milyong bounty na ipinatong ng US Federal Bureau of Investigation kay Zulkifli Bin Hir, alyas "Marwan", na na-aresto ng SAF bago ang nangyaring insidente.
 
"Baka naman tama yung accusations sa kanila ng MILF na walang ginawang proper coordination, strategic at tactical coordination ang pagpasok ng ating mga sundalo sa Mamasapano," pahayag ni Bagaforo.
 
Kaugnay nito, nanawagan ang obispo sa Office of the President Adviser on the Peace Process na isaayos ang kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law.
 
"Pero palagay ko ay dapat na ipagpatuloy ang pinag-uusapan, lalung-lalo na yung mga questionable at mga dapat na i-improve sa Bangsamoro Basic Law," sabi ni Bagaforo.
 
Sinuspende ni Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mga komite kaugnay ang batas hangga't matapos ang imbestigasyon sa engkwentro ng SAF at MILF. —Rie Takumi/NB, GMA News