ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pakwan na hugis parisukat, ibinida sa Pakwan Festival; mas mahal sa bilog na pakwan


Sa pagdiriwang ng Pakwan Festival sa Bani, Pangasinan, kasamang ibinida sa kanilang Agri-Trade Fair ang mga kakaibang pakwan na hugis parisukat.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing ipinakita sa naturang Agri-Trade Fair ang iba't ibang produkto ng mga barangay sa bayan ng Bani.

Maliban sa mga sariwang gulay, agaw-pansin ang mga pakwang hugis parisukat na mas mataas ang presyo sa karaniwang bilog na pakwan.

Ang mga parisukat na pakwan ay inani sa bukid ng isang pribadong kompanya.



Malaki umano ang potensyal ng Bani sa pagtatanim at pagpaparami ng mga parisukat na pakwan dahil maganda ang lupa at klima sa lugar.

Ayon kay John Marquez, facility representative ng SeedCompany, pareho rin lang ang proseso ng pagtatanim ng parisukat na pakwan pero may teknik na dapat sundin.

Pahayag naman ni Mayor Gwen Yamamoto Palafox, "Magkakaroon na po kami ng demo farm, itong harvest season po, magkakaroon po kami ng isang farm na puro square lang yung pakwan."
 
Kumpara sa karaniwang bilog na pakwan, mas mahal ng P10 hanggang P20 ang parisukat na pakwan, ayon sa ulat.

Pagdating naman sa lasa, hindi rin papatalo sa bilog na pakwan ang square watermelon na pang-export umano ang kalidad. -- FRJ, GMA News