ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tama bang ituloy ang peace talks sa MILF matapos ang pagkamatay ng 44 na kasapi ng SAF?


Dahil sa pagkamatay ng mahigit 40 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) sa kamay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at splinter group nito na Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), may mga mambabatas na nanawagan na itigil na ang usapang pangkapayapaan sa MILF, bagay na hindi naman inayunan ni Pangulong Benigno Aquino III.

FULL TEXT: Ang pahayag ni Pangulong Aquino sa Mamasapano encounter

Sa televised national address ni Aquino nitong Miyerkules, binigyan-diin niya na malayo na ang narating ng usapang pangkapayapaan sa MILF, at magiging salungat umano sa ginawang pagbubuwis ng buhay ng 44 kasapi ng SAF kung basta na lamang tatalikuran ang negosasyon sa mga rebelde matapos ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Saad ng pangulo: "Isipin din po natin: Ang mga kasapi ng Special Action Force ay nasawi habang tinutupad ang kanilang tungkuling panatilihin ang kaligtasan. Kung hindi magtatagumpay ang prosesong pangkapayapaan; kung babalik tayo sa status quo, o kung lalala pa ang karahasan, di ba’t ito mismo ang kabaliktaran ng kanilang pinagbuwisan ng buhay?"
 
Dagdag pa niya: "Di po ba: Sa hinaharap nating hamon upang maisulong ang kapayapaan, lalo pa tayong dapat magkapit-bisig, at lalo pa dapat nating ituloy ang mga susunod na hakbang tulad ng pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law; ang pagbubuo ng Bangsamoro Transition Authority; pagpapalawak ng oportunidad sa lahat; at pagwawasto sa sistema ng pulitika kung saan may iilang nakikinabang sa kapahamakan ng napakarami nating kababayan."

Naganap ang engkuwentro sa Mamasapano sa gitna ng ginagawang deliberasyon ng Kongreso sa isinusulong na BBL ng pamahalaang Aquino na magiging pamantayan sa bagong pamunuan na papalit sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).

Maging si ARMM Gov. Mujiv Hataman, naniniwala na dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa MILF sa kabila ng naganap sa Mamasapano upang tuluyang matigil na ang karahasan sa rehiyon.

Pero iba ang pananaw ng ilang mambabatas tulad nina Senador Alan Peter Cayetano at JV Ejercito Estrada na iniatras na ang kanilang suporta sa BBL dahil sa pagkamatay ng 44 kasapi ng SAF sa sinasabing "misencounter" sa MILF.

Para kay Cayetano, ang MILF ang dapat sisihin kapag tuluyang nabasura ang isinusulong na BBL dahil sa ginawa sa mga miyembro ng SAF. Naniniwala rin ang senador na hindi talaga sinsero ang mga rebelde sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan.

“May it not be said that it was this administration, nor this Congress, that killed the Bangsamoro Basic Law but it is the MILF and its actions during and after this event which showed their lack of commitment to peace, development, and the rule of law,” pahayag ni Cayetano sa sulat na ipinadala nito kay Senate President Franklin Drilon.

Si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pinuno ng Senate committee on local government,  pinasuspindi muna ang pagtalakay sa BBL, kasabay ng pagkondena sa nangyari sa mga kasapi ng SAF.

Iginiit naman ni Drilon na dapat isuko ng MILF ang mga sangkot sa pagpatay sa mga tauhan ng SAF para ipakita ang kanilang katapatan sa pakikiisa sa pamahalaan.

“This act of goodwill, if demonstrated, will, without a shadow of a doubt, prove the MILF's sincerity and support to the government’s peace and development program,” pahayag ni Drilon.

Sa Kamara de Representantes, bagaman wala pang nagpapahayag ng pag-atras ng suporta sa BBL, aminado si Speaker Feliciano Belmonte na nakaapekto ang nangyaring sagupaan sa Mamasapano sa pagpasa sa BBL.

“One thing is sure: The support for it (BBL) has been somewhat eroded by this incident. That incident has got to be properly explained to us,” anang lider ng mga kongresista.

Pero sa kaniyang talumpati nitong Miyerkules, binigyan-diin ni Aquino na maraming pagkakataon na rin naman na nagpamalas ang ibayong tiwala sa isa't isa ang pamahalaan at MILF  para sa hinahangad na kapayapaan sa Mindanao.

"Sa nangyaring insidente sa Mamasapano, mayroon na pong mga nagsasamantala ng trahedya para mabawasan ang tiwala; nais nilang mabigo ang proseso ng pangkapayapaan. Mayroon na nga rin pong nagmumungkahing itigil ang pagsulong ng Bangsamoro Basic Law sa Kamara at Senado," anang pangulo.
 
Dagdag pa niya, "Hindi po dapat mangyari ito. Nakataya sa batas na ito ang buong peace process. Kung mabibigo ang pagpasa ng batas sa lalong madaling panahon, mabibigo ang peace process, mananatili ang status quo. Kung ganoon, ano pa ba ang aasahan natin kundi pareho ring resulta: Mga taumbayang nawawalan ng pag-asa at namumundok; mga napagkaitan ng hustisya na pinipiling gumawa ng karahasan sa kapwa.

Paalala pa ni Aquino, kung mabibigo ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao at magpapatuloy ang mga karahasan at digmaan, ang makikinabang nito ay ang mga teroristang sina Zulkipli 'Marwan' Hir at Basit Usman, na misyon ng mga nasawing kasapi ng SAF na hulihin.

"Sa harap ng ating pagluluksa, sa harap ng mga pagnanasa ng ilang bumawi at maghiganti, sa harap ng bantang magiba ang tiwalang pinanday natin sa napakahabang panahon, ngayon, sinusubok ang kakayahan nating magpamalas ng ibayong malasakit sa ating kapwa. Kaya nga po, sa lahat ng kapwa kong nag-aasam ng kapayapaan, mula sa mga mambabatas, sa mga kasapi ng unipormadong hanay, sa mga pinuno at kasapi ng MILF, sa mga kababayan natin sa Bangsamoro, sa bawat disenteng Pilipino: Ipakita natin kung ano ang kayang abutin ng isang bansang binubuklod ng nagkakaisang adhikain.

"Siguruhin nating hindi masasayang ang sakripisyo ng mga nasawing kasapi ng Special Action Force. Mararating natin ang katarungan, harinawa, sa loob ng tamang proseso, at nang hindi bumibitaw sa mga pangarap nating makamtan ang malawakan at pangmatagalang kapayapaan," ani Aquino. -- FRJ, GMA News

Tags: talakayan