ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilan sa mga labi ng SAF men, sinunog at ginilitan


Naiuwi na sa kani-kanilang probinsya ang mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force na nasawi sa madugong bakbakang naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Linggo, Enero 25.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa Balitanghali nitong Linggo, 13 sa tinaguriang "Fallen 44" ang galing sa mga probinsiya ng Cordillera Administrative Region.



Kabilang dito si PO3 Noel Golocan na tubong Mountain Province. Naiuwi ang mga labi ni Golocan noong Sabado at agad na nag-alay ng dasal at awitin ang kanyang mga kaanak at kaibigan.

Ibinahagi ng nakatatandang kapatid ni Golocan na si Anselmo ang kanyang hinanakit dulot ng karumaldumal na sinapit ng kapatid sa kamay ng mga kalaban, kahit na pagkatapos nitong bawian nang buhay.

“Lima raw sila na sinunog. Patay na nga yung tao, sinunog at tinaga pa sa leeg,” aniya.

Ayon din sa ulat, hinihintay pang magbahagi ng kani-kanilang kwento ang iba pang pamilya ng mga biktima na taga-Cordillera.

Teammate

Naroon din sa CAR ang nakaligtas na SAF trooper na si PO2 Solomon Agayso upang makipaglamay sa pamilya at kaanak ng nasawing si PO2 Peterson Carap, na naging kaklase at teammate niya.

Ayon kay Agayso, sariwang-sariwa pa sa kanya ang naging karanasan nang maka-engkwentro ang pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Bahagi siya at si Carap ng main effort na siyang nakaatas na tumugis kay Zulkifli bin Hir o Marwan, at kay Abdul Basit Usman, tinaguriang international terrorists.

Inirekomenda umanong pointman si Agayso ngunit nag-volunteer si Carap na akuin ang responsibilidad ng mapanganib na posisyon.

“Kapag nasa unahan ka kasi, ikaw ang unang mapapa-engage,” ani Agayso.

Hindi na inasahan ng SAF troopers ang mga sumunod na nangyari, lalo na at nakita nilang malalakas pa ang isa't isa dahil na rin sa pinagdaanang paghahanda.

Kwento ni Agayso, “Nandoon pa kami, kaya pa namin mag-maneuver that time. Medyo malakas-lakas pa kami kasi bandang umaga pa 'yun. Hindi ko inaasahan kasi nakita ko siya na malakas, parang wala lang sa kanya.”

“Wala kasing pinipili ang bala. Nung nag-hold the line na kami, umulan na ng bala. Na-box na kami nun, hanggang nakita na lang namin na may natumba na, may mga sugatan na,” dagdag pa niya.

Bukod kay Carap, kasama rin ni Agayso si Police Senior Inspector Gednat Tabdi na nasa tabi pa umano niya nang tamaan ng bala at bawian ng buhay.

“Nung time na yun, umuulan na ng bala. Si Sir Tabdi ang katabi ko namatay. Pinilit niya talagang tumbukin namin yung link up area namin.”

Apat na team na may tigwa-walong miyembro ang kasama ni Agayso sa kanyang kinaroroonan nang magsimula ang sagupaan. Pinipilit nilang makarating sa link-up area kung saan naroon ang mas marami pang pwersa ng kapulisan.

“Hindi na namin naabot kasi marami nang nalagas sa amin. Hindi namin maiwan,” aniya

Masakit man, pilit na nagpapakatatag ang pamilya nina Carap, Golocan at Tabdi, at patuloy silang naghahanap ng hustisya para sa sinapit ng mga kaanak na ang tanging hangad lamang ay mapaglingkuran ang bayan. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News