Utol ni Obet Pagdanganan huli sa gun ban
Dinakip ng mga pulis ang isang kapatid ni Bulacan gubernatorial bet Roberto "Obet" Pagdanganan dahil umano sa pagdadala ng baril habang ipinatutupad ang gun ban para sa maayos na pagdaraos ng halalan. Nahuli sa checkpoint sa Calumpit, Bulacan si Henrygildo Pagdanganan, kasama ang kanyang tatlong security escorts at dalawang iba pa dakong 11:00 pm ng Linggo. Nakuha sa grupo ni Henrygildo ang dalawang baby armalite, dalawang shotguns, tatlong .45-cal. pistols at isang 9-mm pistol. Ayon kay Senior Superintendent Asher Dolina, Bulacan police chief, walang maipakitang exemption sa gun ban mula sa Comelec ang grupo ni Henrygildo. Paliwanag ni Henrygildo, dating kapitan ng barangay, papunta sila sa Brgy. Iba upang alamin ang natanggap nilang ulat na may nagaganap na kaguluhan sa lugar. Sinabi naman ni Obet Pagdanganan, dating gobernador ng Bulacan, na siya mismo ang nagpapunta sa kapatid sa Iba upang alamin ang kumakalat na black propaganda laban sa kanya na nagsasabing umatras na siya sa laban. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril ngayong eleksyon alinsunod sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (Comelec). - GMANews.TV